CEB nag-review kahit rumaragasa ang bagyo, No Other Woman naka-A!
Hindi napigilan ni Pedring ang Cinema Evaluation Board (CEB) kahapon. Sa gitna ng malakas na hagupit ng bagyo sa buong bansa, itinuloy ng CEB ang review para sa pelikulang No Other Woman starring Anne Curtis, Derek Ramsay, and Cristine Reyes under Star Cinema and Viva Films directed by Ruel Bayani.
Ito ay sa kabila rin ng declaration ng Malacañang na suspended ang lahat ng government offices. Pero ang CEB lang ang hindi nag-suspende sa kanilang trabaho.
Nakabayad na ang Star Cinema and Viva Films for review sa CEB at pag hindi na-review baka nga naman magdemanda.
Eh showing na today ang movie and once na maipalabas na ito sa mga sinehan hindi na puwedeng i-review. So nag-decide ang chairman ng CEB na si Ms. Christine Dayrit na ituloy ang review. Wala talagang makakapigil kahit na nagliliparan sa EDSA ang ilang mga yero habang papunta kami sa Makati kasabay sina Ms. Christine at kapwa CEB member na si Bum Tenorio. Ganun ka-professional si Ms. Christine.
In fairness, present ang maraming member ng CEB. Nag-effort silang gampanan ang kanilang responsibility. At mas marami pa kesa sa ordinary day na may review.
Sulit naman ang pagragasa namin sa bagyo dahil impressive ang pelikula.
Hindi complicated ang kuwento at bidang-bida si Anne.
Swak na swak kay Anne (Kara) ang role niya na isang tagapagmana na na-in love sa isang may-asawa. Pero sa kasamaang palad kahit maganda siya, mayaman, at sexy hindi sa kanya na-in love ang character ni Derek (Sam) na asawa ni Cristine Reyes (Cha).
Hindi malalim ang kuwento ng pelikula pero alam mo ang malinaw na direction ng istorya. Walang twist na magpapalabo tulad sa ibang pelikulang napanood ko tungkol sa kaliwaan ng mag-asawa.
Nasa furniture business si Derek sa kuwento. May asawa siya at nakikisama sa kanyang biyenan. Si Anne ay anak ng mayaman na makikilala niya at magkakagustuhan sila. Hindi alam ni Kara sa umpisa na may asawa si Sam. Basta malakas agad ang dating nito sa kanya.
First meeting nila ay nagje-jetski si Kara. Kaso nahulog siya at ‘di niya makita ang bra. Nagkataon naman na andun si Sam at ito ang tumulong para makuha at siya na rin ang pinagsuot.
Next meeting nila ay sa opisina na ng tatay ni Kara na ginampanan ni Mr. Tirso Cruz III na may-ari ng isang dini-develop na high end vacation hotel na tingin namin ay kinunan sa La Union. Makikipag-meeting si Sam para sa presentation ng mga furnitures na binibenta niya. Hoping siya na siya ang magiging supplier sa magarang hotel na dini-develop ng pamilya ni Kara. At sa presentation ay tinulungan agad siya nito (Kara) na magustuhan ang mga furnitures niya.
Hanggang dumating sa puntong nagkalapit sila ng loob. Pero hulog na ang loob ni Kara kay Sam bago nito nasabi na asawa niya si Cha.
Sinabi ni Kara na walang problema sa kanya. Basta i-enjoy lang nila at hindi kailangan ng emotional investment dahil kasalanan na lang ni Sam kung mai-in love kay Kara.
Kaso kabaligtaran ang nangyari. Si Kara ang na-in love kay Sam na mahal na mahal ang asawa.
Ayun doon mag-uumpisang uminit ang kuwento ng pelikula.
Panalo ang mga dialogue ni Anne bilang mistress. Hindi rin naman nagpatalbog si Cristine in tems of aktingan pero mas mahaba ang role ni Anne.
Graded A ito ng CEB. Meaning 100% tax rebate sila.
Magsisimula itong mapanood sa mga sinehan ngayong araw. ‘Yan ay kung lumayas na sa bansa ang bagyong si Pedring na namerwisyo ng husto kahapon. As of presstime, malakas pa rin kasi ang ulan.
Imagine ang Sofitel Hotel, US Embassy, at Mall of Asia, binaha ng sobra. Hindi madaanan at kailangang i-evacuate ang mga naka-check in sa naturang hotel.
Marami ring area ang nawalan ng kuryente kahapon.
Ang dami ring mga nabunot na mga puno dahil sa lakas ng hangin at maraming nawalan ng bahay dahil sa nasabing bagyo.
Napuruhan ang Manila area. Umapaw ang Manila Coastal area kaya ang Roxas Boulevard malalim ang tubig.
Pero sa Greenbelt kung saan ginanap ang review namin – My Cinema – parang walang bagyo. Bukas ang mga store ng high end mall at maraming namamasyal.
Anyway, pray na lang tayo na tantanan na tayo ng mga bagyong ito na tulad ni Pedring.
- Latest