Acting ni Nora hindi kinalawang
Who would ever think na makaraan ang mahaba at maraming taon ng hindi paggawa ng pelikula ay hindi nabahiran kaunti man ng kalawang ang galing ng isang Nora Aunor? Wala ni isa mang media na sumaksi sa pagpapalabas ng pilot episode ng kanyang mini series na Sa Ngalan ng Ina, na ginanap sa The Block ng SM North EDSA, ang makapagsasabi na kinupasan ng panahon ang kanyang pagiging henyo sa pag-arte. Ito ay malinaw na makikita sa bawat eksenang kanyang nilabasan.
Sinasabi na intimidated sa kanya ang mas nakababatang si Nadine Samonte pero in fairness to the former Kapuso star, maganda ’yung unang confrontation scene nila ng Superstar. Parang si Edgar Allan Guzman pa ang talagang nag-effort pero naiwan siya ni Nora sa eksenang pinapayapa siya nito matapos ideklarang patay na si Bembol Roco.
Dead agad sa pilot episode ng Sa Ngalan ng Ina ang aktor na halos kasabay ni Christopher de Leon na inilunsad ni Lino Brocka to stardom. Mabait pa naman ang kanyang role, isa sa hindi naging malupit sa character na ginagampanan ni Guy na sa pilot episode ay napag-alaman agad na madrasta lamang ng pamilya Doegracias.
Hindi pa makikilala ng manonood sa first episode ang pamilya na mahigpit na kalaban ng mga Deogracias sa pulitika, ang Lustre na pinamumunuan ng gobernador na ginagampanan ni Christopher, ang kanyang ginang na ginagampanan naman ng mahusay ni Rosanna Roces at ng anak nilang si Karel Marquez. May magandang role ang anak ni Pinky Marquez dahil may relasyon ito sa isang Deogracias, ang character ni Edgar Allan.
Maganda ang role ni Alwyn Uytingco bilang isang Deogracias. Maging consistent lamang ang portrayal ng kanyang role ay walang dahilan para hindi niya maabot ang tagumpay. Sana hindi rin mapabayaan ng mga writers ang development ng kanyang character.
Kumpara kay Bembol na tulad niya ay special role lamang ang ginagampanan. Mukhang mas mahaba ang tatakbuhin ng role ni Eugene Domingo bilang kapatid ng role ni Elena Deogracias (Nora). Nakilala na rin sa first episode sina Ian de Leon bilang aide ng mga Deogracias, Eula Caballero bilang Elsa Torribio, Joross Gamboa bilang Ramoncito, at Jay Aquitania sa role ni Maniel.
Maganda ang mga unang dialogues na narinig ko pero bakit parang kulang sa ilaw ang maraming eksena? Marami rin ang nababagalan sa takbo ng istorya na tatakbo lamang ng isang buwan sa ere simula sa Oktubre 3.
Sa panonood lamang ng first episode maaalala ng mga manonood na may pagkakahawig ang kuwento ng Sa Ngalan ng Ina sa ala-Cory Aquino ng tumatakbong Koreanovela sa GMA 7.
- Latest