Limang mabibigat na programa mapapanood na sa DZMM teleradyo
MANILA, Philippines - Ang himpilang una sa balita at una sa public service, una na rin ngayon sa pag-ere ng ABS-CBN current affairs programs.
Sa pagpapatuloy ng pagdiriwang ng ika-25 anibersaryo ng DZMM, hatid nito ang mas pinaigting pang serbisyo publiko sa pagpapalabas ng mga pinagkakatiwalaang current affairs program na XXX, Patrol ng Pilipino, Storyline, Krusada, at SOCO sa DZMM TeleRadyo (SkyCable Channel 26) simula ngayong Lunes (Sept. 5).
Mapapanood ang mga programang ito sa ABS-CBN News and Current Affairs sa DZMM time block tuwing 9:15 p.m., mula Lunes hanggang Biyernes, sa numero unong cable news channel sa bansa. Tuwing Lunes, dapat abangan ang pambubuko nina Anthony Taberna, Pinky Webb, at Julius Babao sa iba’t ibang katiwalian sa gobyerno at maging mga pang-aabuso at modus operanding nagaganap sa ating lipunan sa XXX.
Sa Martes naman matutunghayan ang mga kuwento sa likod ng mga balita sa ulat ng mga masigasig at matatapang na ABS-CBN reporters. Pagdating ng Miyerkules, panoorin naman ang New York Festival silver at bronze medalist docu program na Storyline tampok ang totoo at dibdibang pagsasalaysay ng iba’t ibang personalidad sa kanilang karanasan at buhay. Sa Huwebes naman, samahan ang mga tanyag at respetadong ABS-CBN anchors sa kanilang paninindigan sa mga isyung malapit sa kanilang puso at paniniwala sa Krusada.
Tuwing Biyernes naman tutukan ang mainit na pagtalakay at pagsasadula ng mga krimen kasama ang batikang crime reporter at anchor na si Gus Abelgas sa SOCO.
Bunga ng makasaysayang pakikipagsanib-puwersa ng DZMM at ABS-CBN News and Current Affairs, ito rin ang unang pagkakataong makapapanood ang mga Pilipino ng current affairs program sa istasyong may teleradyo format.
Pahayag ni ABS-CBN Manila Radio Division head Peter Musngi, maraming Pilipino ang magbe-benepisyo sa gabihang pagpapalabas ng mga programang tumatalakay sa mga isyu sa ating bayan. Abangan ang pagdating ng ABS-CBN News and Current Affairs sa DZMM tampok ang limang programang nabanggit simula ngayong gabi (Sept. 5, 9:15 p.m.) sa DZMM TeleRadyo.
- Latest