Matapos magdagdag ng timbang, Winwin pinalayas na sa Camp
MANILA, Philippines - Pinaalis na si Winwin Cabanta sa Biggest Loser camp matapos magdagdag ng timbang isang linggo makaraan ang kanyang kaarawan.
Napabilang ang tubong Bukidnon sa tatlong humarap sa eliminasyon matapos madagdagan ng one pound. Nilisan niya ang camp na nagtitimbang ng 189 pounds.
Pumasok si Winwin sa Biggest Loser na may bigat na 260 pounds, at dala-dala ang kagustuhang maging ganap na babae dahil buong buhay ay napapagkamalan siyang tomboy.
“Walang dahilan para maging malungkot sa pag-uwi ko,” pahayag niya. “72 pounds ang nawala sa akin. Kasing bigat ng isang teenager. Ipagpapatuloy ko sa labas ng camp. Sa labas ko malalaman ang ka-maturan ko. Sa labas ko rin mas makikilala ang sarili ko.”
Ayon kay Winwin, pinatibay ng programa ang kumpiyansa niya sa sarili para ipagpatuloy ang kanyang misyon na pumayat.
“Marami akong natututunan. Sobrang fulfilled, sobrang saya ko. Biruin n’yo, umabot ako sa top seven. Binibiro nila ako na una akong matatanggal,” inamin ni Winwin.
Anim na lang ang natitira sa premyadong reality TV show ng ABS-CBN na binago ang buhay ng 12 Bigating Pinoy na dumanas ng pisikal at emosyonal na mga hamon upang makamit ang P1 milyon, condominium unit mula sa DMCI Homes, isang Vespa scooter, at ang titulong The Very First Pinoy Biggest Loser.
Samantala, ang wild card namang si Leigh ang itinanghal na Biggest Loser of the Week. Mula 190 pounds ay nagbawas siya ng 5 pounds para maging 185 pounds. 230 pounds ang bigat niya sa simula ng kumpetisyon.
Naniniwala naman si Winwin na si Art ang tatanghaling unang Pinoy Biggest Loser, at kahit pa mami-miss niya ang mga training, challenges at weigh-ins, nangako siyang magugulat ang lahat pagbalik niya sa finale ng programa.
Patuloy na manood ng The Biggest Loser Pinoy Edition gabi-gabi, Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng Guns and Roses sa ABS-CBN.
- Latest