RH bill ginawa nang RP bill para matanggap ng simbahan
MANILA, Philippines - Magkakasalungat na opinyon ukol sa RH bill mula sa mga lider ng Simbahan ngayong Linggo sa Hamon sa Pagbabago ng TV5.
Mismong si Pangulong Benigno Aquino III ang nagnanais na maipasa na sa Kongreso ang reproductive health (RH) bill ayon sa napag-usapan sa Legislative-Executive Development Advisory Council (Ledac) meeting kamakailan.
Tahasang tinututulan ng Simbahang Katoliko ang panukala dahil sa isyu ng moralidad at umano’y panganib na hatid nito sa kababaihan. Giit naman ng gobyerno, kailangang bigyang-laya ang mag-asawa na pumili kung natural family planning o modern method ang nais nila.
Ngunit kahit pa “fine-tuned” na raw ang panukala at tinatawag na ngayong responsible parenthood (RP) bill upang mas maging katanggap-tanggap sa Simbahang Katoliko, tila hindi pa rin ayon ang Simbahan dito.
Ngayong Linggo (Agosto 21) sa NEWS5 Debates Hamon sa Pagbabago, dalawang nag-uumpugang panig na binubuo mismo ng iba’t ibang sektor ng relihiyon ang maghaharap upang pag-usapan kung kasalanan nga ba ang RH bill. Papagitna sa mainit na usapan ang hepe ng NEWS5 na si Luchi Cruz-Valdes at beteranong mamahayag na si Atty. Ricardo “Dong” Puno.
Makialam sa mainit na usapan ngayong Linggo, 10:30pm, sa NEWS5 Debates Hamon sa Pagbabago sa TV5.
- Latest