Tatay ng dinadala ni Andi dinadaan ni Gabby sa blind item
“Andito kami. We don’t need you,” ang message ni Gabby Eigenmann sa mystery guy na nakabuntis sa kanyang half-sister na si Andi.
Ang ibig sabihin ni Gabby, siya at ang kanyang ama na si Mark Gil ang tatayo bilang tatay ng bagets na isisilang ng kanyang kapatid.
Hindi sinabi ni Gabby ang name ng mhin na nakabuntis sa sister niya. Bahala na ang mhin na makonsiyensya kung siya ang pinatutungkulan ng mataray na statement ng kuya ni Andi.
Kita n’yo naman, hindi lang ang mga reporters ang expert sa mga blind items. Marunong na ring mag-blind item ang mga artista, gaya ng mag-amang Mark at Gabby. Marami na silang mensahe na naiparating sa mystery father ng anak ni Andi pero never nilang binanggit ang name ng suspect.
Gwen Zamora ’di nawawala
Hindi missing in action si Gwen Zamora dahil natapos na niya ang shooting ng The Witness sa Jakarta, Indonesia. Si Gwen ang bida ng pelikula dahil tungkol sa kanya ang title.
Kung hindi ako nagkakamali, isang massacre movie ang The Witness. Maraming action scenes si Gwen kaya nagkaroon siya ng mga pasa at sugat sa katawan. Next year pa ang showing sa mga sinehan ng unang international movie ni Gwen na nabigyan ng malaking break sa pelikula dahil siya ang leading lady ni Vic Sotto sa 2010 Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na Si Agimat at si Enteng Kabisote.
Ex-Sen. Zubiri pinagkaguluhan na parang celebrity
Nadagdagan ang fans ni dating Senador Miguel Zubiri dahil sa pagbibitiw niya sa tungkulin. Nakasabay ng staff ng Protégé si Papa Miguel sa flight nila papunta sa Cagayan de Oro.
Sa airport pa lang, pinagkaguluhan na si Papa Miguel ng mga kababayan na bilib na bilib sa kanyang ginawa. Nagpa-picture ang mga pasahero kay Papa Miguel na dinaig ang isang sikat na artista. Ikinalungkot ng mga supporters ni Papa Miguel ang pag-alis nito sa senado. Hindi sila dapat ma-sad dahil malakas ang ugong ng balita na kakandidato uli si Papa Miguel sa susunod na eleksiyon. Malaki ang tsansa na manalo siya at hindi na pagdududahan ang kanyang victory dahil hinangaan nga ang kabayanihan na ginawa niya sa senado.
Hindi naging artista si Papa Miguel pero nakagawa siya ng mga TV commercials. Siya ang leading man ng aking alagang si Dindi Gallardo. Bagets at payat pa noon si Papa Miguel. Early ’90s nang gawin nila ni Dindi ang TV ad para sa isang liquor company.
Nagpapanggap na ‘Ricky Lo’
Mama Salve, how true na may tao na nagpapanggap na entertainment editor ng www.philstar.com? Paano nangyari iyon eh kayo lang ni Papa Ricky Lo ang mga alam ko na entertainment editors sa The Philippine Star, Pilipino Star Ngayon, at PM?
Malinaw na misrepresentation ang ginagawa ng tao na nagke-claim na entertainment editor siya ng www.philstar.com. Bad ’yan ha? Baka naman contributor lang siya at hindi talaga empleyado ng Star Group of Companies.
Saka Mama Salve, ano ang ie-edit niya eh edited na ’yung nababasa sa Internet?
Hindi talaga mawawala sa paligid ang mga poser o mga mapagpanggap na tao. Alam ko ang sinasabi ko dahil biktima ako ng identity theft. May tao na ginamit ang name ko sa Facebook at Twitter para makapanira ng kapwa at panghaharbat.
Hindi ako nag-iisa dahil biktima rin ng mga poser sina Papa Ricky Lo at Cristy Fermin. Ginamit ang mga name nila sa paninira ng mga artista sa mga social networking site. Paulit-ulit ang announcement naming tatlo na wala kaming Twitter o Facebook accounts pero nakakaloko pa rin ng mga tao ang mga poser.
- Latest