TF sa TV5 ni Nora Aunor nakakalula
Nakapagtataka bang malaman na malaki ang talent fee ni Nora Aunor sa TV5? Eh lahat naman yata ng kinuhang artista ng Kapatid Network ay highly paid. Kaya nga mabilis humaba ang listahan nila ng mga artista.
Worth it naman ang TF ni Nora kahit matagal siyang wala sa bansa, hindi naman siya nalaos. Kaya nga maging ang pag-uwi niya ay pinag-uusapan, pinagpupustahan.
Bago kasi siya nawala ay nakagawa siya ng maraming hindi malilimutang proyekto, on both small and big screens. Multi-awarded din siya at maski na nung hindi abala sa kanyang pag-aartista ay nabibigyan pa rin ng parangal at pagkilala, hindi lamang dito sa kanyang sariling bansa kundi maging sa labas nito. Hindi naman mahirap ang mag-command ng respect at pagkilala na ibinibigay sa kanya ng lahat hanggang ngayon.
Welcome home, Nora.
Jackie Rice pinabilib si Ricky Davao
Nakausap ko kamakailan si Ricky Davao at hangang-hanga ito sa napakagandang performance ni Jackie Rice sa serye nilang Sisid. Si Ricky ang director ng nasabing serye na pinapanood ng marami tuwing hapon sa GMA 7.
Surprised ang magaling na aktor na nagdidirek na rin ngayon sa TV sa galing na ipinamamalas ng isa sa mga produkto ng StarStruck. Akala niya nung una ay magkakaproblema siya dahil nga sa mga nababalitaan niya pero ginulat siya nito dahil bukod sa maganda’t mahusay umarte, hindi niya kinakitaan ng unprofessionalism si Jackie. Palaging excited ang aktres na sumalang sa eksena. Maging ang pagkatakot nito sa tubig ay nawala na. Minamani na lang nito ang pagsisid maging sa mga malalalim na bahagi ng dagat.
Isang pang blessing sa serye ay ang pagkakaroon nito ng chemistry sa dalawang kapareha niya, sina JC Tiuseco at Dominic Roco. Kahit may pagka-kontrabida ang role ng Season 1 Survivor, naiintindihan ng mga fans niya na trabaho lang ’yun at napatunayan niya na puwede rin siya sa mga character roles. Pero gusto nila na bida ang ginagampanan nito.
Worth mentioning din sa series si Alicia Meyer na akmang-akma sa kanyang role bilang mayamang ina ni Dominic na nagmana rin ng husay sa pag-arte sa kanyang amang si Bembol Roco.
Congrats Ricky for a job well done!
Captain Barbell ng Kapamilya inaabangan na
Sino naman kaya ang pagaganapin na Captain Barbell ng ABS-CBN ngayong nabili na nila ang rights nito sa pamilya ni Mars Ravelo, writer ng nasabing nobela?
Kahit nagawa na ito ng dalawang beses ng GMA 7, marami pa rin ang magiging interesado na mapanood nito kapag ginampanan ito ng isang Kapamilya. Ganito kasikat ang superhero na ito.
Maganda naman ’yung serye ng Kapuso na nagtapos na, ang tinututulan ko lamang ay ang paglalagay ng napakaraming ibang superheroes dahil feeling ko ay nawala na ang sentro kay Captain Barbell na ginampanan ni Richard Gutierrez.
Puwedeng magkaroon siya ng katulong na may super power din pero hindi naman ’yung parang lahat ng character ay superhero na. Mas gusto ng viewers ’yung mag-isa siyang nagliligtas ng sangkatauhan. Hinihintay na lang tuloy ng iba na maging superhero na rin si Ces Quesada dahil ang alaga nito ay naging super bulilit din.
- Latest