Dalawang Wild Card contestants, nagbalik sa Biggest Loser Camp
MANILA, Philippines - Sunud-sunod ang pasabog sa mas tumitindi pang kompetisyon ng mga Bigating Pinoy sa The Biggest Loser Pinoy Edition na napapanood sa Primetime Bida ng ABS-CBN.
Kasunod ng pagpapauwi kay Joy Siy sa pinakahuling elimination ceremony, ipinasok naman sa Biggest Loser Camp ang dalawang wild card contestants na sina Andy at Leigh.
Unang nakilala ang dalawa sa wild card challenge na naipanalo nina Destiny at Larry noong simula pa lang ng programa. Lingid sa kaalaman ng lahat, patuloy ang pagti-training ng dalawa sa labas ng camp at nakatakdang bumalik para hamunin ang mga “original” na Bigating Pinoy.
Ngayong linggo, tatapatan nina Andy at Leigh sina Ryan at Angela, ang dalawang nangulelat sa Deadly Tons challenge para sa The Big Challenge. Dito sasabak sila sa tatlong hamon para sa kapangyarihang piliin kung sino ang lalaban kina Andy at Leigh sa susunod na weigh-in.
Importanteng maipanalo ito nina Ryan at Angela para masiguradong malakas ang dalawang pantapat ng mga original bigating Pinoy kina Andy at Leigh sa darating na weigh-in. Kung manalo kasi sina Andy at Leigh sa bawasan ng timbang, ligtas sila sa eliminasyon at ang dalawang nasa ilalim ng yellow line na original bigating Pinoy ang haharap sa botohan.
Samantala, nananatili namang masigasig si Joy maski lumabas na sa camp. Si Winwin ang nakatapat niya sa elimination ceremony, at tila nanaig ang dating grupo-grupo nila dahil mga dating Red Team ang bumoto sa kanya.
Gayunpaman, masayang ibinalita ni Joy na nakapagbawas na siya ng 4 lbs sa kanyang sariling pagsisikap.
Hindi rin maitago ni Joy ang pagkagiliw sa trainer ng dating Blue Team na si Coach Jim Saret. Aniya, hanga siya sa pagka-cool at sa pagiging non-traditional ng mga fitness routine ng fitness expert. Tinuruan daw siya nito na maaaring ngumiti tuwing workouts at mag-enjoy.
Bukod kay Coach Jim, napamahal din daw sa kanya ang host na si Sharon Cuneta.
- Latest