Dahil kay Quentin Tarantino Nora Aunor pumayag bumalik ng 'Pinas
MANILA, Philippines - May sikat na Hollywood director sa cast, paano pa tatanggihan ni Nora Aunor ang isang proyekto na ibinibigay na sa kanya ang lahat-lahat?
Wala nang maidadahilan pa ang Superstar para hindi tanggapin ang alok ni Laguna Gov. ER Ejercito na role sa kanyang gagawing pagsasa-pelikula ng makasaysayang buhay sa isang itinuturing na bayani ng bansa at isa sa mga naging unang pangulo nito, ang El Presidente: The Emilio Aguinaldo Story. Ipinadala na sa kanya ang script at inaasahan na magugustuhan niya ang role na iniaalok sa kanyang gampanan, ang role ni Maria Aguinaldo, ang ikalawang asawa ni Aguinaldo.
Ang negosasyon sa aktres na naka-base na sa US ay ginagawa ng isa ring dating artista at katulad ni Aunor ay naninirahan na rin sa bansa ng mga ’Kano, si Suzette Ranillo, at ng maybahay ng gobernador na si Maita Ejercito. Matagal nang magkaibigan ang dalawa.
Wala nang mahihiling pa ang matagal nang nawawalang aktres ng bansa sa napakagandang alok na ito sa pelikula. Bukod sa libreng pamasahe papunta ng bansa at pabalik sa US, bibigyan ng matitirhan si Nora dito, isa itong otel na malapit lang sa paggagawan nila ng shooting ng pelikula sa Kawit, Cavite. Pati pagpunta sa location at pagbabalik sa kanyang tutuluyan ay hindi na rin poproblemahin ng aktres. Bibigyan siya ng sariling car service ng produksiyon na magagamit niya hindi lamang sa pagpunta sa kanyang place of work kundi maging sa mga lugar na gusto niyang puntahan habang siya ay naririto.
At kung kulang pang pang-akit ito sa mahusay na aktres, inaasahan ng gobernador na bibigyang halaga ni Nora ang pangyayaring makakasama sa pelikula ang isang sikat na direktor sa US na si Quentin Tarantino.
Bagama’t hindi ito ang magdi-direk ng pelikula, kundi ang malapit niyang kaibigan na si Tikoy Aguiluz, may mahalagang role siyang gagampanan sa pelikula.
Inaasahan ng lahat na hindi makakahadlang sa pagtanggap ni Nora ng role sa nasabing pelikula ang pangyayaring bago siya ay naunang inialok sa kanyang arch rival na si Gov. Vilma Santos ang role pero hindi nito tinanggap dahil sa kanyang kaabalahan sa gawain bilang gobernador ng Batangas.
Sarah masarap ang pakiramdam sa Kapamilya, ayaw lumipat sa TV5
Sino kaya ang pasimuno sa walang tigil na balita na pag-alis ni Sarah Geronino sa Kapamilya Network? Kahit ngayong pumayag na itong gawin ang ikatlong pagsasama nila ni John Lloyd Cruz sa pelikula ay hindi pa rin nawawala ang ugong ng sinasabing paglipat niya sa TV5.
Marami ang nagsasabi na nag-uugat ang balita sa pangyayaring malapit ang Viva na siya humahawak ng kanyang career sa TV5. At kung may mga artista na itong naililipat sa Kapatid Network na kilalang taga-ibang istasyon, walang dahilan para hindi rin nito ito magawa kay Sarah. O baka paraan lang naman ito ng Viva para patuloy na mapanatili ang balita at interes ng marami sa Pop Princess?
“Ayokong umalis. Napakasarap ng pakiramdam na gusto pa ako ng Kapamilya station na manatili sa kanila. Malulungkot ako kung ayaw na nila sa akin. Ako, ayaw kong umalis,” sabi niya sa isang panayam sa kanya ng network.
Luna Awards nangangailangan ng tulong
Maganda ’yung ginawang pagre-revive ng Film Academy of the Philippines (FAP), sa pamumuno ni Leo Martinez, ng pagbibigay nila ng Luna Awards na kumikilala sa mga natatanging pelikula, artista, at mga gumagawa ng pelikula para sa nakaraang taon. Matagal na rin nilang hindi nagagawa ito dahil sa kakapusan ng pondo. Huli silang nagbigay ng Luna Awards nung taong 2009.
Ang payak na pagbibigay ng parangal sa taong ito na ginawa nila kamakailan sa Quezon City Sports Club ay naganap sa tulong ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) at ilang mga artista na pulitiko na rin ngayon.
Sa nasabing pagdiriwang, humingi ng tulong si Martinez sa pamahalaan para sa industriya na bahagi na rin ng kultura ng mga Pilipino.
Kapatid Network hindi nahirapan kay Cesar?
Hindi man makuha-kuha ng TV5 ang serbisyo ni Sarah Geronimo, mukhang hindi naman sila nahirapan kay Cesar Montano na balitang tatapusin lamang ang kontrata niya sa GMA 7 at lilipat na rin sa kabila na kung saan makakasama niya ang kabarkadang si Aga Muhlach.
Isa si Cesar sa hindi Kapatid na naimbitahan sa kaarawan ng big boss ng TV5 na si Manny Pangilinan.
Unti-unti ay lumalaki na ang stable of stars ng Kapatid Network. Pagkatapos ng Minsan Lang Kita Iibigin ni Lorna Tolentino sa ABS-CBN ay tuloy na rin siya sa TV5. Inilunsad na rin ang unang serye ng dating Kapusong si Nadine Samonte sa TV5, ang The Sisters.
- Latest