Talent manager-writer nakalabas na sa Golden Acres
Dumalo ako kahapon sa healing mass ni Fr. Fernando Suarez sa Golden Acres dahil ito ang panata ng aking best friend na si Pinky Tobiano.
Taun-taon, nagdiriwang si Pinky ng kanyang kaarawan sa Golden Acres at first time ko na nagpunta sa nasabing lugar.
Napaluha ako at ang aking mga kasama sa mga eksena na nakita namin. Nakakaawa ang kalagayan ng mga matatandang babae at lalaki na inabandona ng kanilang mga pamilya.
Mabuti na lang, may mga katulad ni Pinky na tumutulong sa kanila. Kasama ng aking best friend ang mga empleyado ng kumpanya niya na tumulong sa kanya sa pagpapakain sa mga matatanda.
Hinanap ko sa isang tauhan ng Golden Acres si Boy de Guia, ang talent manager-writer na naging co-host ko noon sa Scoop.
Ang sabi ng girl na nakausap ko, matagal nang lumabas sa Golden Acres si Boy dahil kinuha na ito ng kanyang mga kamag-anak. Nakangiti ang babae habang ikinukuwento nito na tumaba si Boy habang nasa Golden Acres pero mahilig siya na lumabas.
Kung matatandaan ninyo, na-feature noon si Boy sa Wish Ko Lang dahil palabuy-laboy siya. Si Vicky Morales at ang staff ng Wish Ko Lang ang nagdala kay Boy sa Golden Acres.
Na-meet ko rin kahapon sa Golden Acres si Col. Ariel Querubin na kaibigan din pala ni Mama Pinky. Naroroon din ang Pilipinas Got Talent finalist na si Markki Stroem.
Kitang-kita ko ang kaligayahan ng mga matatanda habang binibigyan sila ng mga pagkain at drinks ng mga empleyado ni Pinky.
Nakakalungkot lang isipin ang kuwento na bihira na i-turn on ang mga ilaw sa Golden Acres dahil nagtitipid sa kuryente ang mga namamahala or else, mapuputol ang power supply dahil sa kakulangan ng pondo.
Nakakaawa ang kalagayan ng mga kababayan natin sa Golden Acres at sana, ito ang pagtuunan ng pansin ng mga kinauukulan dahil kailangang-kailangan nila ang tulong.
LT at Boyet nagwagi sa FAP na walang abiso
Congrats kay Lorna Tolentino dahil siya ang nag-win ng best actress trophy sa 29th Luna Awards ng Film Academy of the Philippines.
Kahapon ko lang nalaman ang good news at hindi ko pa nakakausap si LT kaya hindi ko alam ang dahilan sa hindi niya pagdalo sa Luna Awards.
Wagi rin na best actor sa Luna Awards si Christopher de Leon. Nanalo si Boyet para sa role niya sa Magkaibigan, ang pelikula nila ni Sen. Jinggoy Estrada na ipinalabas sa mga sinehan noong 2008.
Nag-win si Boyet para sa 27th Luna Awards pero noong Linggo lamang ibinigay ang kanyang best actor trophy dahil walang Luna Awards noong 2009.
Hindi pa rin kami nagkakausap ni Boyet kaya clueless ako sa hindi niya pagdalo sa Luna Awards. Knowing Boyet and LT, sisipot sila kung naabisuhan bilang suporta sa local movie industry.
FAP hindi magarbo
Hindi magarbo ang 29th Luna Awards dahil gaya ng Golden Acres, kulang din ang pondo ng Film Academy of the Philippines.
Pero kahit kulang ang datung, puwede nang sabihin na successful ang 29th Luna Awards dahil nairaos ito nang maayos kaya congrats kay Leo Martinez, ang Director General ng Film Academy of the Philippines.
- Latest