Aktor ipinakakansela ang guaranteed contract sa isang network
MANILA, Philippines - May isang aktor na nakatakdang ipakansela ang existing contract sa kanyang kasalukuyang network para lumipat na lang sa ibang channel.
Tsika ng source, masama ang loob ng aktor dahil ang kasalukuyang network ang nag-alok sa kanya para lumipat sa kanila pero pinababayaan naman daw ang aktor. Mga panget daw ang ibinibigay na programa.
Kaya ang hamon daw ng kampo ng aktor, ikansela na lang ang kontrata niya para naman makapagtrabaho siya sa iba kesa matengga.
Pramis, saka na ang clue dahil on going pa raw ang nego sa pagitan ng dalawang kampo.
Magaling ang aktor na ito kaya nakakahinayang kung pakakawalan siya ng kasalukuyan niyang network.
Nakaabang na raw ang isang network sakaling matuluyan ang kanselasyon ng guaranteed contract ng aktor.
Atty. Tamano ANCHOR na rin
Join na sa ANC si Atty. Adel Tamano.
Yup, ang kilalang abogado na hindi pinalad noong nakaraang eleksiyon nang tumakbong senador ay magiging news anchor na ng ANC sa programang Tamano Perspective.
Bukod sa pagiging abogado, magaling ding propesor si Atty. Tamano kaya swak siyang maging anchor.
Sa Huwebes na magsisimula ang kanyang programa, 7:00 p.m. kung saan susuriin niya ang iba’t ibang news stories sa ilalim ng iisang tema tulad ng nasyonalismo, family values, o kaya nama’y social media. Ang kaibahan lang, magbibigay siya ng opinion at hindi lang siya basta magbabalita.
“Hindi puwede ang walang pinapanigan sa programa. Hindi ako mamamahayag, abogado ako at isang advocate at makikita sa palabas ang training ko bilang isang taong may paninindigan sa bawat isyu. Gagawin ko iyun para himukin ang mga manonood na magkaroon din ng sariling pananaw sa mga ito,” paliwanag niya.
Isang baguhan sa larangan ng media si Atty. Tamano pero naniniwala siya na bukod sa marami siyang bagong matututunan sa karagdagang trabaho ay matutupad na ang gusto niyang makapag-lingkod din sa bayan sa ibang paraan.
“Binibigyan ko ng importansiya ang intelihenteng pagdedebate at diskusyon. Magiging daan ang programang ito para madala ko ang ganitong klaseng diskurso sa publiko,” dagdag ng abogado.
FYI : Si Tamano ang pinakaunang Filipino Muslim na nagtapos sa Harvard Law School. Kasalukuyan siyang dean ng College of Law sa Liceo de Cagayan University. Partner din siya sa Kapunan, Tamano, Javier & Associates.
Ang 40 taong gulang na anak ng dating senador na si Mamintal Tamano ay nakilala ng mga Pilipino noong nakaraang dalawang eleksiyon. Noong 2007, nagsilbi siyang spokesperson ng United Opposition, samantalang kandidato naman siya sa pagka-senador noong 2010.
Samantala, magsisimula na rin pala ang pangalawang season ng View From the Top sa ANC ngayong Lunes (Hulyo 11) 9:30 p.m. Samahan si ANC senior anchor David Celdran sa kaniyang pakikipanayam sa apat na malalaking pangalan sa iba’t ibang industriya.
Alamin ang disiplina at business ethic nina construction legend David Consunji ng DMC Inc., advertising guru Emily Abrera, chair emeritus ng McCann Ericsson Philippines, beauty doctor to the stars Dr. Vicki Belo ng the Belo Medical Group, at Diosdado Banatao, ang tanging Pilipino na major player sa Silicon Valley.
- Latest