Sarah back to work na!
MANILA, Philippines - Back to work na pala si Sarah Geronimo.
Sumabak agad siya sa shooting para sa bagong endorsement pagdating ng bansa mula sa halos isang buwang bakasyon sa Amerika.
Ngayong araw, July 8 ang unang sabak uli ni Sarah sa What Love Is provincial concert nila ni Martin Nievera sa Iloilo City.
Isang Viva boss ang nagsabi na in two weeks time ay sisimulan na rin ng pop princess ang pelikula niyang bago.
Hindi lang nabanggit ng source kung sino kina John Lloyd Cruz at Gerald Anderson ang makaka-partner nito.
* * *
Mukhang exciting ang I Dare You, ang programang magkakasamang iho-host nina Jericho Rosales, Iya Villania, at Melai Cantiveros.
Nagsanib-puwersa sa programa ang News and Current Affairs division at TV Entertainment Group ng ABS-CBN simula sa Lunes (Hulyo 11).
Susubukan kasi sa programa ang tibay ng loob at diskarte ng mga tampok na celebrity Kapamilya challengers sa pamamagitan ng pag-salang sa kanila sa pamumuhay ng iba’t ibang Bidang Kapamilya (mga kasali).
Ang mga Bidang Kapamilya ay mga karaniwang Pilipino na patuloy na hinaharap at hindi inuurungan ang mga hamon ng buhay, maski gaano kahirap. Sila ang mga tindera sa palengke, mga teacher sa bundok, mga namumulot ng basura, magsasaka, mekaniko, stuntman, mga senior citizen o kaya nama’y mga may kapansanan, at marami pang iba.
Sa unang episode ng I Dare You, sasamahan sina Gab Valenciano at Alessandra de Rossi si Jericho sa kaniyang pagbabalik sa dating trabaho bilang kargador at tindero sa palengke.
Dito makikita sa unang pagkakataon sina Gab at Alessandra na walang make-up, walang alalay, at gumaganap ng walang cut o take two. Dito rin masisilayan ang nakabibilib na kuwento ni Jericho, na naiahon ang sarili at pamilya mula sa hirap gamit ang sipag at tiyaga.
“’Yung programa namin works both ways. ‘Yung ordinaryong tao, nakikita nila yung tunay na kalooban ng mga artista, at ‘yung mga artista naman nakikita nila yung tunay na pamumuhay ng mga karaniwang tao.”
Dagdag naman ni Iya, hindi lang mga celebrity Kapamilya challengers ang mai-inspire sa totoong drama ng show, kundi pati mga manonood.
“Ako yung pangpa-abnormal na host, pampaloko, hindi sobrang serious,” biro pa niya.
Pero giit ni Melai, alam niyang kakaiba ang proyektong ito sa lahat, “May pinanggalingan ‘yung pag-host namin dito, may puso at diwa,” aniya.
Umabot pa si Jericho sa puntong nakahawak siya ng dumi ng tao dahil sa sobrang kawawang sitwasyon nang pinuntahan nilang lugar.
Start na sa Lunes ang I Dare You na mapapanood hanggang Biyernes, bago mag-Mula sa Puso.
- Latest