Marcelito nag-uwi ng P2M sa PGT
MANILA, Philippines - Nanalo si Marcelito Pomoy sa grand finals ng Pilipinas Got Talent matapos makamit ang pinakamaraming boto (19.56%) para sa kanyang makatindig balahibong pag-awit ng The Prayer sa performance night noong Sabado (June 25) at nag-uwi ng P2 million grand prize.
Lingid sa kaalaman ng nakararami na lumuwas lamang si Marcelito ng Maynila para hanapin at makita ang kanyang ina at mga kapatid. Hindi niya inaasahan na makikita niya na rin pala ang katuparan ng kanyang mga pangarap sa Pilipinas Got Talent.
Dahil sa kanyang pagsali sa numero unong talent-reality show, nabuo ang pamilya niya matapos ang matagal na panahon kaya lubus-lubos ang pasasalamat niya sa lahat ng mga sumuporta.
Auditions pa lamang ay naging patok siya online at naging isang ganap na YouTube sensation sa rami ng hits ng kanyang audition clip, tulad ng unang Pilipinas Got Talent grand winner na si Jovit Baldivino.
Pumangalawa naman sa botohan ang magkapatid na tapdancers na Happy Feet (18.32%) at buwis-buhay na breakdancers na Freestylers (9.46%). Nag-uwi naman ng tig-P100,000 ang 2nd at 3rd placers habang ang labing-isang natitirang grand finalists ay tatanggap ng tig-P50,000.
Ang naganap na grand finals ng PGT ay naging pinaka-pinag-usapang paksa sa Internet sa pamamagitan ng Twitter.
Mas lalo ring nagningning ang gabi kasama ang Kapamilya stars na sina Gary Valenciano, Zsa Zsa Padilla, Jhong Hilario, Rayver Cruz, Gab Valenciano, at John Prats na nakipag-showdown sa kantahan at sayawan kasama ng mga grand finalists.
Tunghayan ang muling pagsasama-sama ng PGT contestants sa espesyal na two-part concert na mapapanood ngayong Sabado (July 2) at Linggo (July 3), 8:45 p.m..
Tuloy din ang pagpapasiklaban ng talentong Pinoy dahil sa July 9 ay simula na ng Pilipinas Got Talent season 3 sa ABS-CBN kasama pa rin sina Luis Manzano at Billy Crawford bilang hosts at Kris Aquino, Ai Ai delas Alas, at Freddie M. Garcia bilang judges.
- Latest