PGT 14 grand finalists magpapasiklaban sa Grand Finals
MANILA, Philippines - Hinalughog na ng nangungunang talent-reality show na Pilipinas Got Talent ang buong bansa at mula sa libu-libong nag-audition, 14 na lang ang natitira para maglaban-laban sa inaabangang grand finals. Sino kaya sa kanila ang tatanghaling ikalawang PGT grand winner?
Huwag palalampasin ang huling pasiklaban ng talento sa Pilipinas Got Talent 2 Grand Finals ngayong Sabado (June 25) at Linggo (June 26) sa Araneta Coliseum.
Mamayagpag kayang muli ang mga singers tulad ni PGT grand winner Jovit Baldovino ngayong season? Susubukan ‘yang panatilihin ng singing siblings na Madrigal Siblings ng Cainta, Rizal; acoustic heartthrob na si Jem Cubil ng Talisay, Cebu; young balladeer na si John Michael Narag ng Mabini, Pangasinan; Pinoy Bruno Mars na si Buildex Pagales ng Digos City; tween trio na DJP Trio ng Bacolod, Negros Occidental; at male diva na si Marcelito Pomoy ng Imus, Cavite.
Hindi naman papataob pagdating sa hatawan ang dance groups na Freestylers ng Calamba, Laguna; B4 ng Baguio City; at Filogram ng Baguio City; tapdancing brothers na Happy Feet ng Libona, Bukidnon, at powerdance duo na sina Leoniel Enopia at Elizabeth Dazo ng Bacolod, Negros Occidental.
Samantala, magpapakitang gilas din sa pagmama-magic ang salamangkerong si Rico the Magician mula Caloocan; pagpapaikot ng hoola hoop sa katawan ng hoola hoop master na si Angel Calalas mula Cainta, Rizal; at pagtugtog ng mga instrumento ng bandang Skeights mula naman sa Davao City.
Inaasahang mahigpit ang kumpetisyong magaganap bukas at mas mahigpit din ang kumptisyon sa pagboto dahil bawat numero o e-mail ay limitado na ang maaring ipadala. Hanggang 30 boto kada contestant kada araw ang maari lang i-send ng isang celphone number o e-mail sa magaganap na overnight voting. Para sa bulk voting, hanggang 30 na boto rin kada keyword. Para sa kumpletong detalye at keywords ay bumisita lang sa http:// pilipinasgottalent.abs-cbn.com.
Pakatutukan ang PGT 2 Grand Finals live performance night sa Araneta Coliseum ngayong Sabado (June 25), 8:45 PM, at live results night sa Linggo (June 26), 8:15 PM sa ABS-CBN. Pangungunahan ito ng hosts na sina Luis Manzano at Billy Crawford kasama ang mga huradong sina Kris Aquino, Ai Ai Delas Alas at Freddie M. Garcia.
- Latest