Pelikula ni Laurice Guillen sa Cinemalaya ipino-protesta
Gumawa ng kanyang very first indie film ang batikang director na si Laurice Guillen. Ito ang Maskara na siyang magbubukas ng Cinemalaya Film Festival sa buwan ng July. Pero ngayon pa lamang ay mayroon ng kumukuwestiyon sa pelikula ni Guillen kahit ito’y hindi kasali sa kumpetisyon kundi for exhibition lang dahil isa itong opisyal ng Cinemalaya Filmfest.
Tampok sa Maskara ang anak ni Laurice na si Ina Feleo na siya ring sumulat ng istorya. Tungkol ito sa mga taong showbiz pero, ginawang fiction lamang.
Nagpahiram ng dalawang sinehan ang Greenbelt para sa mga lalahok sa New Breed Full length Feature category, Short Feature, Directors’ Showcase, NETPAC Philippines Premiere at Focus Asia section.
Bukod sa pagpapalabas ng mga pelikula sa sinehan ng Greenbelt, gaganapin din dito ang Taktakan Forum, lectures at exhibits. Sa CCP naman magaganap ang Awards Night sa gabi ng July 24.
Koreanovela ng Dos at Siete, nagpapatalbugan din
Talagang mahigpitan ang labanan ng dalawang major TV networks ng bansa, ang ABS-CBN at GMA. Hindi lang sila nagpapaligsahan sa ganda ng mga ginagawa nilang mga lokal na programa, pati sa pagpili ng ipinapapanood na mga Koreanovela ay may kumpetisyon din sila.
Nauuna ang Secret Garden ng GMA 7 na isang nakakakilig na love story between a rich guy and a poor gal. Formula pero iba ang pagkaka-present. Hindi naman pahuhuli ang I Am Legend ng ABS-CBN, tungkol naman sa isang strong woman na buong tapang na diniborsiyo ang kanyang mayamang asawa. Ito at ang partner nito ang tumayong mga abogado sa kaso nila habang ang babae na nagngangalang Solenn ay unang ipinagtanggol ang kanyang sarili sa korte hanggang makakuha siya ng abogado na papatulan ang kaso niya at lalabanan ang asawa niyang numero unong abogado sa bansa nila at isa ring milyonaryo.
Maraming Koreanovela ang magagandang nagagawa at may magagaling na artista. Dalawa dito ang Secret Garden at I Am Legend.
Anak ni Camille, apektado sa role ng ina
Nagiging malaking tulong si Camille Prats sa mga batang artista na kasama niya sa seryeng Ang Munting Heredera. Binibigyan niya sila ng tips para mapadali ang trabaho nila. Kaya lang nabanggit niya na naapektuhan ang kanyang anak na si Nathan sa kanyang role sa nasabing serye. Labis na nag-aalala ito kapag may masamang nangyayari sa kanya sa serye. Kinakabog nito ang ama para tulungan si Camille, tulad nung minsan na nagkaroon siya ng eksena na nahulog siya sa isang butas. Pinilit nito ang ama na ikuha si Camille ng hagdanan na magagamit nito para makaalis siya sa kanyang kinalalagyan.
Dapat siguro ay hindi muna pinapapanood si Nathan ng mga ganung eksena dahil baka makaapekto ito sa kanyang kalusugan kung ganyang nadadala ito sa mga napapanood niya.
Jodi tuloy ang pangangarap na maging doktor
Ibinahagi ni Jodi Santa Maria sa isang panayam na nakadagdag ang 100 Days to Heaven sa pagbibigay sa kanya ng pag-asa na isang araw ay makakamtam din niya ang kanyang mga ninanais sa buhay.
“I still have dreams to pursue and laking tulong ng series sa pagbibigay sa akin ng hope na maging doctor. Hindi magiging madali because I’m working and we all know how demanding school and work can be. But ‘yun ang challenge para sa akin, para matapos,” ani Jodi.
Samantala, sabay sa dumadagdag na pag-asa ni Jodi ang pagkakakuha ng 34% ayon sa Kantar Media noong Martes (June 14), ng nasabing serye.
- Latest