Ayen Laurel relate na relate sa pagiging reyna
MANILA, Philippines - Sanay na si Ayen Laurel na mag-perform sa stage para sa isang musical o isang concert, pero iba pa rin ang gumanap sa harap ng camera sa pelikula o telebisyon. Kaya malaking challenge para sa singer-actress ang karakter sa Amaya ng GMA 7 dahil nababanat talaga ang limitasyon ng talento niya sa pag-arte.
“It’s demanding but you forget that when you see the results. It truly is one of the most beautiful Filipino TV series ever done,” tukoy ni Ayen sa kauna-unahang lokal na epicserye.
Ginagampanan ni Ayen ang karakter na Hara Lingayan, ang reyna at asawa ni Datu Mangubat (Gardo Versoza). Ayon sa aktres, todo ang suporta niya sa asawa pero hindi naman bulag sa katotohanan. Si Datu Mangubat kasi ang magpapahirap sa buhay ni Amaya (Marian Rivera).
“Aware ako sa mga nangyayari sa paligid namin and the character uses her wisdom accordingly,” dagdag pa ni Ayen. “She’s outspoken.”
Nakabuti rin ang pagdadala ni Ayen ng role dahil hindi naman lingid sa lahat na minsan din siyang nagbuhay-reyna sa totoong buhay nang makapag-asawa sa isang maharlika sa Brunei.
Dahil sa larangang pinasok, excited at masaya si Ayen tuwing nakakasama ang mga co-stars niya sa naturang epicserye.
Isa na rito ay ang partikular na paghanga niya kay Gina Alajar (na isa ring maharlika sa serye) na nakasama niya sa award-winning indie film na Sigwa.
“Working with Gina is always an experience. She’s excellent! It’s an inspiration to work with someone like her,” pagpuri pa ni Ayen sa co-star.
Sa direksiyon ni Mac Alejandre, lagi ring excited si Ayen sa mga iba’t ibang lugar na pinupuntahan nila tulad ng Pangasinan, Bataan, Subic, Bulacan, at Batangas. Feel na feel din niya ang pagsusuot ng magagarang headdress.
Pero mas proud siya na kaparte ng epicserye na nagpapakita ng kulturang Pinoy.
“Viewers would realize how strong we are as people. Hindi ka lang mabubusog sa visuals dito, sa ganda ng istorya at sa galing ng mga artista, kundi may sinasabi rin ito kung ano ba talaga ang Pilipino,” sabi ni Ayen.
- Latest