'Jackie Rice' naiipit sa pag-ibig at pamilya
MANILA, Philippines - Naiipit pa rin si Jackie Rice sa kanyang pag-ibig at sa kanyang pamilya. Ito ay sa karakter niya bilang Eden sa pinakabagong afternoon series ng GMA Network na Sisid.
Sa linggong ito, nagpapatuloy ang bawal na relasyon nina Eden at Sig (Dominic Roco) na kanilang ipinaglalaban kahit tutol ang kani-kanilang pamilya.
Pero sa kabila nito, nagawa nina Eden at Sig na magtanan at ipaglaban ang kanilang pagmamahalan.
Agad na pinakilos ni Alona (Alicia Meyer) si Ahmed (JC Tiuseco) para hanapin ang magkasintahan.
Sa kanilang paglalakbay, inabutan ng kamalasan sina Eden at Sig pero suwerteng ilang tao ang nakakita sa kanila sa isang barko. Nakatagpo sila ng mga bagong kaibigan pero kasabay nito ang bagong mga banta sa kanilang relasyon.
Natuklasan ni Sig ang mga iligal na transaksiyon ni Owen na isang empleyado ng barko. Hindi naman sumuko si Owen at sa halip ay naghiganti kay Sig na nalagay sa panganib ang buhay. Habang naghahabol ng kanyang paghinga at naghihingalo, hiniling ni Sig kay Eden na magpakasal sila.
Grumabe naman ang away nina Segismundo (Bembol Roco) at ng mamamayan ng isla habang isinisiwalat niya na naangkin na ng kanyang pamilya ang isla.
Tinangka naman ni Perla (Maricar de Mesa) na hanapin ang tamang pagkakataon para nakawin kay Hamil (Daniel Fernando) ang mapa ng Perlante, ang tanging dokumento na magbibigay sa kanila ng awtoridad na ariin muli ang isla.
Hanggang saan maipaglalaban nina Eden at Sig ang kanilang pag-iibigan. Magagawa kaya ni Perla na manakaw ang mapa?
Ipinapalabas ang Sisid mula Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng Sentensyada sa Dramarama sa Hapon ng GMA.
- Latest