ABS-CBN exec ginawaran ng 2011 CEO Excel Award
MANILA, Philippines - Muling itinaas ni ABS-CBN Manila Radio Division head Peter Musngi ang bandera ng Kapamilya Network matapos pangalanang isa at tanging media executive sa 11 business leaders na pinarangalan ng International Association of Business Communicators Philippines sa 2011 CEO (Communication Excellence in Organizations) Excel Awards kamakailan sa the Atrium, Taguig.
Pinuri ang pinuno ng DZMM Radyo Patrol 630, ang nangungunang cable news channel na DZMM TeleRadyo, at ang award-winning FM station na Tambayan 101.9 San Ka Pa dahil sa mahusay na paggamit sa komunikasyon para itaguyod ang mga mahahalagang proyekto tulad ng Halalan 2010: Ang Bayan Naman election coverage, DZMM Kapamilya, Shower Na, Takbo Para sa Kalikasan, at DZMM World Caravan.
Siinabi ni Musngi na ang susi sa mahusay na pamamalakad ay ang malinaw na komunikasyon ng mga plano para sa kompanya.
Sa ilalim ng pamamahala ni Musngi, nasaksihan ang pagbabalita sa halalan na mas tutok sa mga isyu ng mamamayan at hindi sa mga personalidad sa DZMM Halalan: Ang Bayan Naman coverage. Sa Kapamilya, Shower Na, na ginawaran sa Philippine Quill at Anvil Awards, ipinakita naman ang malikhaing pag-iisip at puso sa pagdala ng mobile shower van sa mga biktima ng bagyo sa evacuation centers.
Sinundan din ito ng mas malaki at pinalawak pang serbisyo publiko mula sa DZMM, ang DZMM TLC (Teaching Learning Caring) clinic-on-wheels at classroom-on-wheels project.
Labing-isang taon ding sumuporta ang DZMM sa mga kampanyang pang-kalikasan sa pamamagitan ng taunang fun run na Takbo Para sa Kalikasan. Nakalikom ito ng P100,000 para sa rehabilitasyon ng Ilog Pasig at nagtala ng 5,000 na kalahok noong 2010. Sa ginanap na fun run nitong taon, 25 batang papasok ng Grade 1 naman ang binigyan ng scholarship kaya tinawag ang event na Takbo Para sa Karunungan.
Bukod pa riyan, ang mga Kapamilya sa abroad ay binibigyang halaga rin sa pamumuno ni Musngi.
- Latest