Lisa Macuja-Elizalde nagwagi ng Gawad Buhay
MANILA, Philippines - Tinanggap ni Lisa Macuja-Elizalde ang isang lifetime achievement award na binigay ng kanyang mga kasamahan sa entablado nitong nakaraang Mayo 25. Dalawampu’t pitong taon na sumasayaw si Macuja-Elizalde bilang isang professional ballerina.
Ang Natatanging Gawad Buhay ay ipinapamahagi ng Philippine Legitimate Stage Artists Group, Inc. (Philstage), isang samahan ng mga nangungunang grupong pang-entablado sa bansa.
Bukod kay Macuja-Elizalde, tumanggap din nito sina Tony Mabesa, Tony Espejo, at Ryan Cayabyab.
Sa kanyang talumpati, paunang sinabi ni Macuja-Elizalde, “Gusto kong ianunsyo na malapit na akong magretiro, kaya abangan.”
Ngunit kahit sinabi niyang siya ay may balak nang magretiro, puno ang kanyang kalendaryo ng sari-saring pagtatanghal, kabilang na ang mga performance tours kasama ang Ballet Manila sa England, Ireland, Singapore at Korea ngayong taon. Sa Oktubre, nakatakda siyang sumayaw sa Swan Lake—na sinasabing huli na niyang pagsayaw ng full-length version nito.
Pinasalamatan ni Macuja-Elizalde ang mga taong tumulong sa kanya, lalo na ang kanyang mga magulang na sina Cesar at Susan Macuja, ang kanyang mister na si Fred Elizalde, at ang kanyang mga guro sa ballet dito sa Pilipinas at sa Russia.
Binigyang-pasasalamat din niya ang kanyang mga nakapareha, kabilang na ang kanyang co-artistic director sa Ballet Manila na si Osias Barroso na kasama niyang nagsayaw sa loob ng 16 na taon. Binanggit din ni Macuja-Elizalde ang mga nakatrabaho niya sa kanyang mga dating grupo, ang Ballet Philippines at Philippine Ballet Theater at ngayon sa Ballet Manila, kung saan siya ay artistic director at principal dancer.
Binigyan din ng Philstage si Macuja-Elizalde ng gantimpala para sa Outstanding Female Lead Performance in a Classical Dance Production para sa The Nutcracker ng Ballet Manila, kung saan nagsayaw siya sa unang pagkakataon na kasama ang anak na si Missy.
Ito na ang ikatlong taon na nagbigay-parangal ang Philstage ng Gawad Buhay Awards.
- Latest