Sikat na TV host-actress hindi napilit ang anak na i-endorso ang fast food chain na ini-endorso niya
PIK: Marami ang natuwa sa tweet ni Lorna Tolentino noong isang araw: “Abangan ang pagbabalik ni Lora, Amy Austria Ventura, my adorable, kind, and loving sister who I love dearly.”
May mga ilang followers nito ang nag-react dahil sobrang ramdam nila ang hidwaan ng dalawa sa Minsan Lang Kita Iibigin kaya nagtataka sila bakit pa ito ikinatuwa ni LT.
Siyempre sagot naman ng magaling na aktres na sa trabaho lamang ’yun. Pero hindi lang naman si Lorna ang natutuwa sa pagbabalik ni Amy dahil lalong magkaroon ng conflict sa pagbabalik nito bilang Lora.
Ilang linggo ring nasa hospital si Amy pagkatapos siyang operahan nang tanggalan ito ng cyst sa ovary.
Si Lorna ang halos araw-araw na dumadalaw at nagbabantay sa kanya sa ospital.
Malaki ang pasasalamat nilang lahat na nalagpasan ito ni Amy at tuluy-tuloy na ang kanyang paggaling.
PAK: Hindi na makontrol ng sikat na actress-TV host ang humahabang sungay ng kanyang anak na pinasok na rin ang showbiz.
Palibhasa, nasa murang edad pa lang ay marunong na siyang mamuhay ng independent, nakapagdesisyon na siya ng para sa kanyang sarili na hindi na niya kailangang humingi ng payo sa kanyang ina.
Napag-alaman na tinanggihan nitong young actress ang endorsement ng isang fast food chain na dating iniendorso rin ng kanyang ina.
Hindi lang namin sure kung pagsasamahin sila sa endorsement na ito pero ang mismong ina na nito ang nakiusap sa anak na tanggapin na ito, pero ayaw talaga.
Ang sabi sa kanya ng kanyang anak, ayaw niyang i-endorse ang fast food chain na ito dahil hindi siya kumakain ng junk food.
Walang nagawa ang kilalang actress-TV host at pinipigilan na lang ang sarili kahit gustung-gusto na nitong sabunutan ang kanyang anak.
BOOM: Narinig ng isang kaibigan namin sa nakaraang victory party para kay Manny Pacquiao na pinag-uusapan nila nina Gov. Chavit Singson at Willie Revillame ang iba’t ibang modelo ng eroplano na balak nilang bilhin.
Akala nila kuwentuhan lang ’yun pero nagkabilihan na pala sila nun. Napabalita na nga ang pagbili ni Willie ng eroplano at ang susunod ang kinukumbinse nilang bumili ay si Manny Pacquiao.
Pero kabibili lang ni Manny ng bagong bahay, mahigit 300 million pesos ang halaga, sa Forbes Park, Makati City.
Si Gov. Chavit naman ay may sarili ng eroplano na nahihiram pa ni Lovi Poe minsan.
Sinasabi naman ni Manny sa ilang close friends na wala siyang balak na bumili ng eroplano. Pero malay natin, baka magbago ang isip. Abangan na lang natin.
- Latest