Break na kay Ynnah? Mark nag-emote sa lolang patay na
PIK: Ayaw pang sabihin ni Kyla ang petsa ng kasal nila ni Rich Alvarez pero sa December na ng taong ito.
Hindi pa niya ibinibigay ang buong detalye, basta surprise na lang.
Kumpleto na ang line-up ng mga ninong at ninang pero hindi pa rin niya masasabi dahil may apat pa na hindi pa nila nakakausap.
Hindi naman nila ipagkakait sa media ang espesyal na araw na ’yun pero sa ngayon ay hayaan daw muna sila habang inaayos pa nila ang lahat.
Si Kyla rin ang unang sinabihan ni Jolina Magdangal nang mag-propose sa kanya si Mark Escueta pero hindi pa sa taong ito ang kanilang kasal.
Hindi naman sila magdu-double wedding.
PAK: Nakakatawa ang kuwento ni Ogie Alcasid na parang ayaw siyang paniwalaan ng mga Singaporean nang mag-perform siya roon kamakailan lang.
Inimbitahan si Ogie na kumanta sa event na organized ng Community Chest ng Singapore at tuwang-tuwa siya dahil pinuri ito ng presidente at ng First Lady nito pagkatapos niyang mag-perform.
Doon niya nalamang sikat doon si Regine Velasquez at gusto ito ng mga Singaporean, kaya proud naman siyang nagkuwentong siya ang asawa ng Asia’s Songbird.
Parang hindi makapaniwala ang mga Singaporean pero sa bandang huli ay napaniwala rin niya ang mga ito.
Congratulations nga pala kay Ogie sa katatapos lang na project ng Organisasyon ng Pilipinong Mang-Aawit (OPM) na OPM@Pagcor, A Nationwide Search for the Total OPM Performer.
Napanalunan ito ni Mary Joyce Tanana ng Pampanga na sinundan nina Charles Kevin Tan ng Bacolod City at Renz Ruther Robosa ng Pangasinan.
Bukod sa cash prize na napanalunan nila, magiging regular entertainer na sila sa lahat na PAGCOR ng buong bansa.
BOOM: Mariing pinabulaanan ni Mark Herras ang kumalat na intrigang naghiwalay na sila ni Ynnah Asistio.
Nakakaintriga kasi ang mga nai-post ni Mark sa kanyang Facebook account na “BLANKO…Mamang, sunod mo na ’ko please.”
Ang Mamang na tinutukoy ni Mark ay ang kanyang namayapang lola na sobrang naging close sa kanya.
May mga iba pa siyang nasa Facebook na pawang pahiwatig ng kamatayan.
Kaya tuloy naintrigang break na sila ng actress girlfriend dahil maaring ’yun lang naman ang dahilan ng paghihinagpis nito.
Nang nakausap namin si Mark, kinlaro niyang walang kinalaman ito sa relasyon nila ni Ynnah.
Masaya sila at wala silang problema.
Na-miss lang niya ang lola niya nung panahong ’yun, kaya nakapag-shout siya ng ganun sa kanyang account.
Pero ngayon ay okay na siya at mas excited na siya ngayon sa paghahanda sa dance serye niyang pagsasamahan nila nina Kris Bernal at Rocco Nacino.
Sa susunod na linggo ay magsisimula na silang mag-taping kaya pinaghahandaan na niya ito ngayon.
- Latest