Engrandeng SilveRadyo music video ilulunsad!
MANILA, Philippines - Sa pagdiriwang ng DZMM SilveRadyo, inihahandog ng nangungunang AM radio station sa Mega Manila at numero unong cable news channel sa bansa ang isang engrandeng station ID na sumasalamin sa 25 taon nitong pagbabalita at paglilingkod.
Tampok ang Prince of Pop na si Erik Santos at ang Star Power female pop star na si Angeline Quinto, kinunan sa Cultural Center of the Philippines ang naturang music video, kung saan kabilang din ang tanyag at multi-awarded na koro na UP Concert Chorus (UPCC) at ang isa sa pinaka-tinitingalang musical ensemble sa Asya na Philippine Philharmonic Orchestra (PPO), sa ilalim ng pagkumpas ni Maestro Olivier Ochanine.
Mapapanood ang kanilang engrandeng produksiyon sa direksiyon ng in-demand TV director na si Paolo Ramos, ngayong linggo (Hunyo 12) sa DZMM Teleradyo (SkyCable chan. 26), pagkatapos ng ABS-CBN Flag Ceremony sa Channel 2, 9:45 a.m.
Komposisyon ng kilalang TV at film scorer na si Jesse Lasaten ang jingle, na nilapatan ng titik ni Miam Anaten ng ABS-CBN Creative Communications Management. Dito maririnig ang dedikasyon ng DZMM sa sambayanan, kung kaya’t pinaka-piling personalidad sa industriya ng musika ang kakatawan sa naturang proyekto.
Mula nang maitatag ito noong post-Martial law era, ang DZMM ang naging himpilan ng mga nirerespeto at iginagalang na brodkaster ng bansa.
Sila rin ang una sa pagpapakilala ng makabagong teknolohiya sa pamamagitan ng paglunsad ng DZMM Teleradyo, kung saan napapanood sa TV ang programang dati’y pang-radyo lang.
Malaki rin ang naitulong ng kanilang audio streaming sa website na dzmm.com.ph kung saan napakikinggan sila 24/7 sa buong mundo na kasama sa kanilang inobasyon na sinundan ng ibang media outfits sa bansa.
Pero mas nagpapatingkad sa kanila ay ang kanilang serbisyo publiko tulad ng medical missions, seminars, binyagan, business and livelihood workshops, disaster assistance at rescue efforts. Sila rin ang pasimuno sa multi-awarded na Kapamilya, Shower Na mobile shower, DZMM TLC (Teaching Learning Caring) classroom-on-wheels at clinic-on-wheels project, ang fun run na Takbo Para sa Kalikasan at DZMM World Caravan.
Umaasa si Peter Musngi, bossing ng ABS-CBN Manila Radio Division, na magdadala ng pag-asa at inspirasyon ang awitin sa mga taong makadidinig nito.
Ayon nga sa DZMM SilveRadyo jingle “Sa bawat balita/Damdamin at gawa/Una sa tuwina ang kapwa.”
- Latest