Ejay palaban na kay Robin
Magkasama ngayon sina Robin Padilla at Ejay Falcon sa teleseryeng Guns and Roses.
Matagal na ring magkakilala ang dalawa dahil naugnay noon si Ejay kay Queenie Padilla at nagkasama na rin sila sa pelikula.
Totoo kaya ang balitang pinagbabawalan na ni Robin si Ejay sa panliligaw nito kay Queenie?
“Ay hindi! Alam naman niya ’yung intensiyon ko kung sakaling manliligaw ako kay Queenie. Kasi kilala niya ako eh, ’di niya ako pinagbawalan. Mas pinili lang namin ni Queenie kasi ayaw naming magmadali. Maghintay lang. Maghintay kayo,” maikling pahayag ni Ejay.
Celebrity Magician namatayan ng anak
Noong Lunes ay nagsimulang kumalat ang balitang namatay na diumano ang asawa at anak ng Pilipinas Got Talent (PGT) Season 1 finalist na si Alakim. Agad namang nilinaw ng celebrity magician ang nasabing isyu.
“’Yung nagkakalat sa Facebook na ’yung wife ko at anak ko wala na, hindi po totoo ’yun. ’Yung anak ko lang. Mali ’yung kumalat sa Facebook. Ngayon nagdadasal kami para sa kaligtasan ng mama niya,” emosyonal na pahayag ni Alakim.
Noong nakaraang Biyernes nang mapansin ng asawa ni Alakim na parang hindi na kumikilos ang pitong buwang sanggol sa kanyang sinapupunan. Hanggang sa napag-alamang namatay na pala ang bata na ipinagbubuntis ng asawa niya.
“Sabi ng doktor, kailangang tanggalin na, baka malason na ’yung mommy. Nung tinanggal na siya, na-CS siya, nakita ko ’yung baby boy, seven months, malaki, ’tapos buung-buo. Ang umbilical cord pumulupot. Rare incident sabi nila.
“His name is Paul Allen, ngayon mawawala na si Paul Allen, masakit,” naiiyak na kuwento ni Alakim.
“’Yung nabuong pangarap para sa kanya, ’yung mga plano para sa kanya wala na kaya masakit. Sa buhay ng ibang tao, nawalan ka ng pangarap at plano, para akong sumabog. Baby, angel ka na namin ngayon, gabayan mo ’yung kuya mo, mama mo at ako,” mensahe ni Alakim sa kanyang baby.
Hinihiling ngayon ni Alakim na sana ay maging mabuti na ang kalagayan ng kanyang asawa na nasa ospital pa rin sa kasalukuyan.
“Ngayon sana magtuluy-tuloy na ’yung kalagayan niya. Malakas naman, sana kaya niya, malakas naman siya eh. Kaya niya ’yun. Naaawa na ako sa pain na nararamdaman niya, alam ko nahihirapan na siya. Sana tiisin niya lahat para sa akin, para sa panganay naming anak,” mensahe ni Alakim para sa kanyang asawa. Reports from JAMES C. CANTOS
- Latest