KC kabado sa pelikula nila ni Sam
Noong Linggo ay nai-launch na ang full trailer ng pelikula nina KC Concepcion at Sam Milby na Forever and a Day sa The Buzz. Maganda ang naging feedback mula sa mga nakapanood kaya masayang-masaya si KC sa kanyang mga naririnig.
“Thank you, siyempre napakaganda ang response ng tao. Napakaganda ng pakiramdam na lahat ng paghihirap, lahat ng kaba nakita mo ’yung resulta ng ginagawa mo, although mixed emotions kasi alam mo rin na umpisa pa lang ito and you can only hope for the best,” maikling pahayag ni KC.
Gerald takot sa ahas
Bukod kina Piolo Pascual at Cristine Reyes, sobrang nag-enjoy din si Gerald Anderson sa guesting niya sa Gandang Gabi Vice noong Linggo ng gabi.
“First time akong nag-guest sa ganitong klaseng show. Tingin ko first time na may show tayo na parang ganito. I’m very happy for Vice, sobrang nakaka-proud siya, he’s or she’s doing good,” biro pa ng young actor.
Hinding-hindi makakalimutan ni Gerald ang kanyang karanasan sa nasabing show dahil sa ginawang panggugulat sa kanya ni Vice nang bigyan siya ng kahon na may lamang plastic toy na ahas.
Napag-alamang takot pala kasi sa mga ahas ang binata noon pa man.
Kiray nabato habang kumakanta sa stage
Isa si Kiray sa mga pinaka-talented na artista sa kanyang henerasyon. Apat na taon pa lamang nang magsimulang sumali si Kiray sa mga contests. Kinagiliwan din noon sa Magandang Tanghali Bayan ang bagets.
Nang magtapos ang nasabing programa ay naranasan ng kanyang pamilya ang magutom. “Sardinas lang ’yung kinakain namin, noodles. ’Tapos naghihintay lang kapag may ulam ’yung kapitbahay bibigyan nila kami. Hindi po ako pinababayaan ng Diyos,” kuwento ni Kiray.
Naranasan din ng dalagita na mabato habang siya ay kumakanta sa isang entablado. “Masakit po, sobra. Lasing po yata siya. Habang kumakanta po ako sa stage, sa fiesta po, binato niya ako. Umiiyak pa ako noon habang kumakanta, kumanta lang ako, ’yun ang trabaho ko, pumunta ako doon para kumanta hindi para umiyak. Hindi para laitin nilang lahat,” nalulungkot na kuwento ng dating child star.
Grade four noon si Kiray nang tawagan ni Direk Bobot Mortiz para tanungin kung gusto niyang mag-audition para sa Goin’ Bulilit. Mula noon ay nagtuluy-tuloy na ang mga proyekto ni Kiray. Ngayon ay pangarap talaga niyang magkabahay man lang at hindi na muling maranasan ang hirap ng buhay.
Reports from JAMES C. CANTOS
- Latest