Urian kinukuwestiyon dahil kay Coco
Tama ang sinabi ng isang nakasaksi sa pagkapanalo ni Coco Martin sa 34th Gawad Urian bilang Aktor ng Dekada. Sabi nito, siguradong maiintriga hindi lamang ang aktor kundi maging ang grupo na nagbigay sa kanya ng award kasabay nina Gina Pareño at Cherry Pie Picache.
Hindi raw bale ang dalawang aktres at may edad na pero ang aktor na nagsimula sa paggawa ng indie film ay lubhang napakabata pa para mabigyan ng ganitong pagkilala. Marami namang mas may edad sa kanya ang puwede rin namang manalo. Magaling din sila at mas marami nang napatunayan. Wawalong taon pa lamang na nag-aartista si Coco pero bakit nauna siya?
Ayon sa mga nagbigay ng pagkilala, desisyon nila ’yun, wala silang dapat ipaliwanag.
In fairness to Coco, gumawa ito ng kanyang sariling pangalan hindi lamang dahil sa kanyang talino. Tinumbasan niya ang kanyang talent ng sipag, tiyaga, at determinasyon na umangat sa kanyang kinalalagyan.
Sa kasalukuyan, patuloy na ipinapamalas ni Coco ang kanyang galing sa Minsan Lang Kita Iibigin bilang Alexander at Javier, Lunes hanggang Biyernes sa ABS-CBN, pagkatapos ng 100 Days to Heaven.
* * *
Itinanggi ni Dr. Manny Calayan ang intrigang hindi na babalik ng Pilipinas ang kanyang better-half na si Dr. Pie Calayan. Sinabi nito na isang dahilan kung bakit nawiwili si Doktora Pie sa kanyang trabaho sa USA ay dahil hindi gaano ang tsismis at intriga sa kanilang mag-asawa. Hindi tulad sa Pilipinas na ikinakagulat nila ang mga paninira sa kanila.
Ayon kay Dr. Pie, sa America na lang muna siya habang sinusubaybayan niya ang pag-aaral ng kanilang tatlong anak. ’Yung panganay ay sa UCLA nag-aaral at ang dalawa ay sa isang private school for their secondary course and take note, the kids are making good grades.
* * *
Isa sa mga kinagigiliwang abangan ng mga manonood ng Maalaala Mo Kaya (MMK) ay kung ano ang titulo ng episode. Nakakaloka dahil talagang mahirap hulaan ang pamagat. Ako nga, ilang beses nang sumali pero sa dalawang pagkakataon na nahulaan ko ang titulo ay hindi naman ako nanalo. Pero okay lang, I had fun thinking of the title.
Sa Sabado, istorya ng mag-best friends ang itatampok. Paano kung ang sarili mong best friend ang maging karelasyon ng iyong ama?
Sa direksiyon ni Jeffrey Jeturian, itatampok sa episode sina Alessandra de Rossi, Trina Legaspi, at Jomari Yllana.
* * *
Nakalulungkot na malaman na nasa rehab pala ang magaling na aktor na si Jiro Manio. Ang discoverer niya at manager na si director Maryo J. delos Reyes ang nagsabi nito nung tanggapin niya ang award para sa Magnifico mula sa Gawad Urian. Tampok dito ang kabataan pang si Jiro Manio. Humihingi ng suporta ang direktor sa mga taga-industriya para sa batang aktor dahil isang mahal na proseso ang pagpapa-rehab.
At ’di tulad ni Baron Geisler, mas mahaba ang panahong itatagal ni Jiro sa rehab. Huling napanood ito sa Pilyang Kerubin sa GMA 7.
- Latest