Charice feel igawa ng kanta at i-produce si Sarah
Nakakatuwa naman si Charice dahil gustong i-produce at isulat ng kanta si Sarah Geronimo at Tagalog song pa ang gusto nito. Sabi ni Charice, “Gusto kong mag-produce at magsulat ng Tagalog song na kanta. Tapos si Ate Sarah ang artist.”
Sana matuloy ang wish na ito ni Charice at ituluy-tuloy na rin niya ang plano kay Sarah, i-translate niya sa English ang isusulat niyang song kay Sarah at tulungan na rin niyang ma-release sa ibang bansa. Sa galing ni Sarah, hindi mapapahiya si Charice at maganda kung dalawa na silang Filipino singers na sisikat internationally.
Si Richard Gutierrez pa rin pala ang host ng next season ng Survivor Philippines at nabanggit ito ng aktor nang muli kaming bumisita sa taping ng Captain Barbell. Pero wala pa siyang maibigay na details dahil matagal pa ito at sa Pinoy superhero series pa ang focus niya. Sa initial meeting niya with the Survivor Team, hindi pa alam kung celebrity edition pa rin ito.
Pero may nakausap kami at sinabing celebrity edition pa rin ang Season 4 ng Survivor Philippines at pinipili na ang mga celebrities na iimbitahang mag-audition para makasali.
Anyway, hanggang kahapon ay may taping si Richard ng Captain Barbell, kailangan niyang mag-advance taping dahil aalis siya sa May 4 for Las Vegas para manood ng laban ni Many Pacquiao at dederetso siya with his parents and siblings sa Los Angeles.
Malakas na tawa ang sagot ni Richard kung may special someone siyang kasama sa US trip niya gaya last year na kasama niya yata ang ex na si Jewel Mische pero hindi nga ito sumagot.
Pinaaabangan pala ni Richard ang mga susunod na episode ng kanyang show dahil papasok na ang mga bago niyang kontrabidang sina Paolo Paraiso at Akihiro Sato at si Jennylyn Mercado na may special role bilang babaeng kukuha kay Lelay (Jillian Ward) sa poder ni Teng (Richard).
* * *
Hindi pa masabi ni Ms. Wilma Galvante, kung magkano aabutin na magagastos ng GMA Network sa Amaya, pero ang epic serye ang pinakamagastos at pinakamalaki sa bagong project ng network. Sa cast palang, more than 30 na ang kasama sa pangunguna ni Marian Rivera at tiyak na marami pa ang papasok.
Kinailangan nilang kumuha ng resource persons mula sa University of the Philippines para tumulong sa creative staff at dagdag na gastos ang original compositions at musical score ni Von de Guzman na kailangan sa Amaya.
Kinagalitan sila ni Atty. Felipe Gozon sa laki ng budget pero pinirmahan din ang budget. Sabi pa ni Ms. Wilma, hindi pre-sold sa mga advertisers ang epic serye at babasahin at titingnan pa rin ng mga ito ang ratings. Pero kampante si Ms. Wilma na kikita ang GMA 7 sa Amaya, babalik kahit 20 percent lang ng puhunan nila.
* * *
Magkakaroon pala ng drama show na mala-Maalaala Mo Kaya si Sen. Loren Legarda sa TV5 at this May na ito sisimulan. Sobrang nakakaiyak agad ang pilot episode ng Loren na tungkol sa amang sinunog ang mga anak para hindi na magutom at saka sinunog ang sarili.
Ang malaking himala, may nakaligtas sa mga anak na sinunog at ito ngayon ang tatalakayin ng drama show. Na-excite si Sen. Loren nang i-offer sa kanya ng TV5 ang show dahil matagal na siyang hindi napapanood sa TV na hindi tungkol sa trabaho niya sa senado at environment ang paksa.
* * *
Tinabangan ang mga promoters sa isang aktres na imbitahan ito sa mga events nila sa province dahil sa mga nakakalokang demands na kahit kaya nilang ibigay ay hindi naman makatarungan na kanilang ibigay at baka mamihasa ang aktres.
Nag-request kasi ito kung puwedeng solo siya sa hotel room dahil hindi siya sanay na may kasama. Hindi siya pinagbigyan dahil ang mga kasama niyang inimbita sa same event ay walang reklamo at kuntento sa ibinigay sa kanilang kuwarto.
Isa pang demand niya na ikinaloka ng promoter ay nanghingi ito ng masahista dahil hindi siya makatulog ng hindi muna minamasahe. Again, hindi siya pinagbigyan dahil unfair sa mga kasama niya na personal na kumukuha ng masahista.
Sa huli, payag na ang aktres na siya na lang ang magbayad sa kuwarto sa hotel basta solo siya, pero sorry na lang ito dahil niligwak na siya sa list ng mga invited performers sa event at pinalitan siya ng mga sikat at walang reklamo na artista.
- Latest