Kaya hindi tinagalan nina Angelica at Maja Carlo umamin sa kanyang 'kalikutan'
Kahit anong pang-iintriga ang gawin kina Carlo Aquino at Cristine Reyes, mga bida sa horror na pelikula ng Viva Films na Tumbok, wala ni bahid mang epekto sa dalawa. They’ve always maintained na magkaibigan sila at walang nararamdamang kakaiba sa isa’t isa. Kaya dinaan na lamang nila ang mga intimate scenes sa pelikula na walang ilangan, parang hangin lamang.
Sa kabila ng pagiging mapili na ngayon ni Carlo sa pagtanggap ng projects na ipinagkakamali ng marami na isang pagyayabang, sinabi nito na agad niyang tinanggap ang Tumbok dahil, una, gusto niyang makatrabaho si Topel Lee.
“Nasa ABS-CBN pa lamang kami ay magkaibigan na kami. Alam ko na ang mga trabaho niya, at gusto ko siyang makasama,” pag-amin ng guwapo at magaling na actor na sinabi rin na ikalawang atraksiyon ng movie sa kanya ay si Cristine Reyes. “May lalaki bang tatanggi na makapareha siya,” panunudyo niya sa kapareha.
Hindi rin nakaapekto sa kanya ang pagdalaw sa set ng bf ni Cristine na si Rayver Cruz.
“Hinahayaan ko muna sila, kapag nagkausap na sila, kami naman ang tsikahan,” kuwento ng actor na hindi pinagselosan ni Rayver kahit may mga intimate scenes sila ni Cristine.
“Hindi naman ganun si Rayver, professional naman siya pagdating sa trabaho. At may tiwala kami sa isa’t isa,” pagtatanggol naman ni Cristine sa boyfriend niya.
Obvious na masaya si Carlo sa kanyang love life. Masaya ang kanyang aura at kahit hindi sunud-sunod ang proyekto niya ay okay naman siya. Katunayan, nakabili siya ng isang farm sa Tarlac para sa kanyang pamilya. Maraming punong mangga na nakatanim dito at may mga alaga na rin silang baka at kambing.
Inaamin niya na masaya siya sa pag-aalaga ng isa pang Cristine sa buhay niya, si Cristine Nieto, isa ring tulad niyang taga-Viva at miyembro ng isang grupo ng mga sexy singers.
“Masaya kami at tulad nina Rayver at Cristine, malaki ang tiwala namin sa isa’t isa. Ito siguro ang sikreto ng isang masayang relasyon. So far we haven’t had problems, okay lang kami,” dagdag pa ni Carlo na matagal din ang naging relasyon kay Angelica Panganiban.
“Okay na kami, nagti-text text, nagtsa-chat, nagti-twitter kahit hindi regular and only when we have the time. We mostly talk about her, ‘yung love life niya.
“Matagal ‘din inabot ang relasyon namin, mga six years, kahit na napaka-immature pa namin nun. Ako ‘yung pasaway dati, pilyo, malikot. In fairness ipinakipaglaban naman niya ako, napagod lang siya,” pagbabalik tanaw niya.
For a while, naging sila rin ni Maja Salvador. Bati-galit-bati ang relasyon nila hanggang sa nang magkagalit sila nung huli ay hindi na sila nagbalikan.
Kasama rin si LJ Moreno sa Tumbok with Ryan Eigenmann. Nag-lie low ito nang mag-asawa pero pinayagan ng kanyang mister na balikan ang pag-aartista para may pagkaabalahan siya habang abala ito sa basketball.
Isang taon pa lamang nakakasal si LJ pero labis na ang pag-aalala nito dahil hindi pa siya nabubuntis. At 30 years old, feeling niya baka hindi na siya magkaanak.
When she was told na si Regine Velasquez nga ay 41 na pero buntis sa kasalukuyan, at saka lamang siya napanatag.
Jao lolo na Sa pelikula
Pambihira lamang mapanood si Jao Mapa sa mga mainstream movies, mas maraming indie siyang ginagawa. Pero kasama siya sa Tumbok at hindi lamang father role ang ginagampanan niya, asawa rin siya ni Ara Mina, grandfather o lolo ni Carlo Aquino, kapatid ng ama nito. At isa siyang multo!
Aktres na wala pang-40, mukhang tuyot na tuyot na!
May nabasa akong isang article tungkol kay Arnold Schwarzenegger na dahil gagawa muli ng pelikula ay nag-aalala dahil malaki na raw ang ipinagbago ng kanyang pisikal na kaanyuan. Bilang isang public official wala siyang problema rito dahil ang performance niya ay hindi base sa kanyang itsura. Pero bilang artista malaki ang kahalagahan ng kanyang itsura. Worried si Arnold na baka hindi na siya matanggap ng publiko ngayong naglalaho na ang kanyang kagwapuhan.
Ang daming mga artistang lokal ang higit ang kabataaan kay Arnold Schwarzenegger pero mukhang napakatanda na, hindi naalagaan o namintina ang kanilang good looks. May isang magaling na actor na mala-Adonis ang itsura nung kabataan niya pero parang ang tanda-tanda nang tingnan ngayon. Hindi na siya guwapo, magkapelikula man, ‘di na puwedeng bida, kontrabida oo, o baka support lang.
May isang babae naman na isa sa may pinaka-magandang mukha nung kapanahunan niya. Wala pa siyang 40 pero bukod sa pumayat siya ay nagmukha pang tuyot na tuyot. Marami ang nagsasabing hindi siya happy sa marriage niya. Mahihiya siya sa mga lolang tulad nina Gloria Romero at Celia Rodriguez.
Sa panahon ngayon ng makabagong teknolohiya, kung hindi ka tunay na maganda, puwede kang pagandahin ng sensiya. May mga pera ang binabanggit ko. So bakit sila pangit?
- Latest