Pekto makikipagtagisan sa pagpapatawa kay Leo
MANILA, Philippines - Ang mga kilalang komedyante na sina Leo Martinez at Pekto ng GMA 7 ang magpapagalingan sa pagpapatawa sa Law Law Gang: Umpisa Pa Lang ’To ng Lara Films Production. Pero hindi magsasapawan.
Tatakbo ang kuwento ng pelikula kina Boy Babaero (Leo), Boy Pormatic (Pekto), Boy Scarf (Hero Bautista), Boy Kupit (Brownie), at Boy Talentado (Vincent Daffalong) na matapos makulong ay nangako sa sariling tutulong na lang sa mga mahihirap ng walang kabayaran. Para naging makabagong Robin Hood ang Law Law Gang.
Paliwanag ni Leo sa pelikula : “It’s not trying to be too intelligent, too deep or too ‘indie’ as many people have come to define the term these days. It’s comedy the way it was done in the good old days. Very light lang ang treatment pero nakakatawa pa rin.”
Kasama rin sa comedy film na idinirek ni Joel Apuyan sina Robert Miller, Jun Urbano, Amay Bisaya, Archie Ramos, Althea Vega, at Alicia Lane. Ang screenplay ay mula naman kay Tony Cruz na naging kaparte ng yumaong Fernando Poe, Jr. sa ginawang Lo ‘Waist Gang noong ’50s na naging inspirasyon din ng buong produksiyon.
“Plus, ’yung tatay ni Hero, si Herminio Bautista, was also part of that FPJ movie. It’s like coming full circle,” dagdag pa ni Leo.
Naniniwala ang veteran actor na malaki ang interes ng mga manonood sa comedy films at bawat independent na filmmaker ay nailalabas ang creative best dahil hindi nakatali sa uso o sa tinatawag na star system ng mainstream film industry.
Naipakita na rin ni Leo ang pagiging bihasa sa pag-arte sa mga pelikulang Matinik na Bading, Mga Syukang Buking, Kalabog En Bosyo, Yaya & Angelina: The Spoiled Brat Movie, Nobody Nobody But Juan, and Gagambino.
Si Pekto naman ang isa sa mga pinaka-popular na mukha sa telebisyon ngayon. Pero kahit may mga solo na TV shows sa GMA 7, hindi siya naghahanap ng malalaking role.
“I believe there are no small roles. Every chance to act is a gift,” sabi ni Pekto. “Nag-enjoy ako ng sobra sa pelikula.”
Ipinakikilala naman ang mga newcomers sina Kai Lagunsad at Les Nolasco sa Law Law Gang: Umpisa Pa Lang ’To na ipapalabas na sa May 4.
- Latest