Pilar Pilapil ligtas na matapos pagsasaksakin, itapon ng mga carjackers
Kararating ko pa lang mula sa Kuala Lumpur at ang balita na sinaksak si Pilar Pilapil ang sumalubong sa akin.
Ikinaloka ko ang balita dahil para mangyari ‘yon kay Pilar, parang wala nang safe na lugar.
Imagine, nasa loob na nga si Pilar ng sasakyan, hindi pa rin siya ligtas dahil hindi naman aksidente ang nangyari. Sinadya ng mga unidentified suspect na i-carjack ang kanyang sasakyan at hindi pa sila nakuntento, pinagsasaksak pa nila ang aktres at dinala sa malayong lugar.
Salamat sa Diyos, buhay si Pilar. May lesson na dapat matutunan sa kanyang nakaka-trauma na karanasan. Maging mapagmatyag sa paligid kahit nasa lugar na maraming tao at hanggang maari, iwasan na dumaan sa mga liblib na kalsada.
Tiyakin na palaging naka-lock ang mga pinto ng inyong sasakyan at huwag titigilan ang mga tao na hindi kilala, pumapara at tila humihingi ng tulong. Siguraduhin na maglagay ng pepper spray sa loob ng sasakyan dahil magagamit ‘yon laban sa mga masasamang loob.
Challenge para sa mga pulis ang nangyari kay Pilar dahil puwede itong maulit sa iba nating mga kababayan.
Baka nga may mga biktima na rin na natatakot na lamang na lumantad dahil ayaw na nilang mapahamak uli.
Ganyan ang nangyari sa mga biktima ng extortion. Hindi na sila nag-ingay o nagsumbong sa mga pulis dahil sa takot na balikan sila ng mga nambiktima sa kanila.
Kung hindi pa nagreklamo si Arnell Ignacio, hindi magsasalita ang ibang mga biktima ng mga pangongotong.
Nakakalungkot isipin na kailangan pa na mga kilalang personalidad ang masangkot sa mga krimen para maging aware ang lahat sa mga modus-operandi ng mga kriminal at sa mga karumal-dumal na nangyayari sa paligid natin.
Naalaala ko tuloy ang huling linya ng isang police general bago ito namatay sa mga tama ng bala ng baril ng isang assassin. Ang tanong niya, “what’s happening to our country?
* * *
Ngayong umaga ang pilot telecast ng Amazing Cooking Kids, ang new show ng GMA 7 na mapapanood bago ang Eat Bulaga.
Labindalawang bata na may edad na 9 hanggang 12 ang magpapakitang-gilas sa kanilang husay sa pagluluto.
Confident ako na magre-rate ang Amazing Cooking Kids dahil mataas ang ratings ng mga promo guesting nila.
- Latest