Members ng CMajor 7 priority ang pag-aaral
MANILA, Philippines - Isang bagong banda ang C-Major7. Binubuo ng tatlong lalaki at tatlong babae - pare-pareho silang may talento sa musika. Priority nina Brad, Bobbie, Nico, Maanne, Gelo, at Marice ang pagsusulat ng sariling kanta.
May ilang taon nang nagsusulat ng mga komposisyon at tumutugtog ng mga instrumento ang banda. Hilig din nila ang paggawa at pag-areglo ng mga kanta.
Pero ang maganda sa C-Major7, kahit busy sa pagbabanda, walang nakakalimot sa pag-aaral at nakakakuha pa ng matataas na grado sa klase. At kahit nagbabanda, clean-cut at wholesome ang image ng bawat miyembro.
Naniniwala rin ang anim na band members na kunektado sila sa isa’t isa at itinakda ng Diyos na magkasama-sama upang maging inspirasyon sa ibang kabataan sa pamamagitan ng kanilang musika na modern pop rock at may classical beat.
Second year student sa UP Conservatory of Music sa Diliman ang 18 anyos na si Brad. Siya ang pianista at keyboardist ng banda. Nakapag-musical score na si Brad sa mga stage plays ng Seven Pillars Theater Arts Workshop Department na ginagawa sa De La Salle Canlubang. Gayundin sa St. Scholastica’s College Westgrove. Limang kanta ang sinulat niya sa dalawang indie albums ng C-Major7: Pinoy Idol, Peyton (siya ang vocalist), Te Amo, Faith, at Blue Star.
May 16 na taong gulang pa lang si Bobbie na isang graduating student sa St. Scholastica’s College Westgrove. Siya ang female vocalist ng banda at tumutugtog ng gitara at violin. Siya naman ang nag-compose, nag-areglo, at kumanta ng Pandesal, Foolish Girl, Maria at Ibarra, Mr. Moon, at Your Smile.
Si Nico naman ang pinsan nina Brad at Bobbie. Graduating student si Nico sa San Antonio National High School sa Makati. Siya ang lead guitarist ng banda. Siya ang composer, arranger, at singer sa Brod at Beybeh.
Engineering student sa Malayan College si Maanne, ang percussionist. Tumutugtog din siya minsan ng gitara at tumutulong sa banda sa pagkanta at pag-areglo ng mga awitin. Kinanta niya ang Te Amo kasama ni Nico at Faith kasama ni Bobbie.
Si Gelo ay sophomore high school honor student sa Seven Pillars Catholic School sa Laguna Bel-Air. Siya ang bassist at nag-rap sa Pinoy Idol.
Kapatid ni Maanne si Marice na isang Digital Communication Major sa Malayan College. Siya rin ay isang percussionist.
Para sa mga interesadong imbitahan ang C-Major7 sa mga gigs at bumili ng album, i-text o tawagan si Rona sa 0908-8942192.
- Latest