OFWs dismayado, P&G nagkansela ng commercial sa Willing Willie
MANILA, Philippines - Dismayado rin ang mga overseas Filipino workers sa kasong child abuse na nangyari sa show na Willing-Willie ng TV5 nang pagsayawin dito na parang isang macho dancer habang umiiyak ang isang anim na taong gulang na batang si Jan-Jan.
Nagbigay din ng reaksiyon ang ilang OFW sa United Kingdom.
“Nakakadismaya dahil nadungisan nito ang imahen ng mga Pilipino hindi lang dito sa London kundi pati sa buong mundo,” sabi nga ni Alona Blum, isang maybahay sa London at isa ring ina. “Para sa akin, dapat nang ipatigil ang show dahil hindi magandang impluwensiya sa mga tao. Wala nang pakialam ang mga taong pumipila alang-alang sa pera. Hindi nila nauunawaan ang epekto nito sa imahen ng mga OFW o sa maraming Pilipino,” dagdag niya.
Iminungkahi niya na dapat magtrabaho ang mga tao para maintindihan nila na ang pera ay dapat pinaghihirapang kitain.
Kinondena naman ng isang nurse sa London na si Paul Gannaban ang host ng show na si Willie Revillame. “Nakakahiya siya. Minsan, sobra na ang kanyang mga biro. Pero minsan, ‘yan ang dahilan kaya gusto siyang panoorin ng ilang tao.”
Sinisisi rin ng iba ang mga magulang ng bata. Isang care assistant at ama ng dalawang bata na si James Manangan ang nagsabing hindi lang ang show ang dapat sisihin kundi pati na rin ang mga magulang. “May iba pang paraan para kumita ng pera. Hindi lang ito,” dagdag niya.
Sinabi ni Blum na napansin niya na tinatawanan ng audience ang bata at malinaw na pinilit lang siyang pasayawin.
Samantala, pagkatapos ng Mang Inasal ng Jollibee Food Corporation, sinuspinde na rin ng Procter & Gamble Philippines ang advertising placements nila sa programang hinu-host ni Willie Revillame.
Ito ay kaugnay pa rin ng insidenteng naganap sa March 12 episode ng Willing Willie kung saan nagsayaw nga ang isang anim na taong gulang na batang lalake ng “macho-dance routine” kapalit ng P10,000.
Sa statement na ipinadala ng Corporate Communications, Brand Public Relations ng P&G sa press, sinabi rito na sinuspinde muna nila ang advertisement nila sa programang Willing Willie simula kahapon “habang nirerepaso at iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.’
Kaugnay nito, ibinigay ng Philippine Association of National Advertisers (PANA) ang desisyon sa kanilang miyembro kung magpu-pull out sila ng advertisements sa Willing Willie.
- Latest