Mariel naghahanda na sa kasal nila ni Robin
Matutupad na rin ang isa pang pangarap ni Mariel Rodriguez. Bagaman at kasal na sila ni Robin Padilla sa India, magpapakasal silang muli sa simbahan, sa buwan na pangarap ng lahat ng babae, sa buwan ng Hunyo.
Ngayon pa lamang ay pinaghahandaan na nila ang magaganap na kasalan, isa pang patunay ng labis na pagmamahal ni Robin sa kanyang asawa. Alam ni Robin na isang Katoliko ito at pangarap nito at maging ng kanyang pamilya na makita itong ikinakasal sa simbahang Katoliko.
Inaasahan naman ni Robin na maging self-supporting na ang itinatag niyang Liwanag ng Kapayapaan Foundation para sa mga miyembro sa pamamagitan ng pagtatatag ng ilang negosyo, tulad ng coffee shop at iba pa na makapagbibigay ng source of income sa kanila, para siya rin naman ay makapagsimula nang patatagin ang kabuhayan nila ni Mariel bilang paghahanda naman sa pagkakaroon nila ng anak in two years time. Bagaman at kabataan pa si Mariel, siya naman ay may edad na at kinakailangang paghandaan ang kinabukasan ng kanyang bagong pamilya. Isang anak lamang ang plano nila pero kung bibigyan sila ng higit pa dito ay welcome kay Robin.
* * *
Nakasabay ko si Ella Guevara na nanood ng premiere ng Hop sa Podium nung Huwebes ng gabi. Labindalawang taon lamang ito pero dalagang-dalaga na kung tingnan at lumalaking maganda. Kaga-graduate lang nito sa elementary at kaya hindi ito masyadong napapanood ay dahil kandidato ito for valedictorian na nakamit naman niya! ‘Yun nga lang, may mga isinakripisyo siyang proyekto para makuha ang malaking karangalang tinanggap niya. Kasama niya ang buo niyang pamilya na nanood ng pelikulang ipinamamahagi ng kumpanyang Solar Films ni Wilson Tieng.
Unlike other girls her age, hindi nagmamadaling maging dalaga ni Ella. Gusto pa niyang ma-enjoy ng husto ang kanyang kabataan.
Isa sa huling pelikulang nilabasan niya ay ang Ang Babae sa Sementeryo na isang indie film.
* * *
Hindi ako nagkamali na isama ang dalawang apo kong lalaki sa panonood ng premiere showing ng Hop, isang CG-animated movie na mula sa mga gumawa ng Despicable Me at Ice Age, ang Universal Pictures at Illumination Entertainment. Nag-enjoy ng husto sila Andrew James, 6, at Derek John,3, sa panonood ng isang pelikula na ang bida ay isang tao at isang rabbit.
Pang-Easter ang pelikula tungkol kay Fred na nawalan ng trabaho kaya itinuturing na problema ng kanyang pamilya, lalo na ng kanyang ama, at ni E.B., isang rabbit o bunny na inaasahan ng kanyang ama na susunod sa yapak niya bilang Official Easter Bunny.
May kontrabida rin sa Hop, isang oversized chick na sasamantalahin ang pagkawala ni EB sa Easter Island para agawin ang pamumuno sa ama ni EB.
Ginagampanan ni James Marsden ng X-Men at Enchanted ang role ni Fred at boses naman ni Russel Brand, nagboses din sa Despicable Me ang ginamit kay E.B. Direktor si Tim Hill, direktor din ng Alvin and the Chipmunks.
* * *
Pagkatapos ng matagumpay na pagpapalabas ng kuwento ng buhay ni Angeline Quinto, mapapanood naman ngayong gabi sa Maalaala Mo Kaya ang kuwento ng buhay ng Pilipinas Got Talent grand winner na Jovit Baldivino!.
Sa direksiyon ni Nuel Naval, bibigyang buhay ni Carl John Barrameda ang buhay ni Jovit.
Sinulat ni Joan Habana kasama sina Malou de Guzman at Lito Pimentel bilang mga magulang ni Jovit.
- Latest