Jackie Chan 'pinatay' din
MANILA, Philippines – ‘Pinatay’ din sa Twitter kahapon si Jackie Chan. Maraming nakuryente. Like Christian Bautista na nag-tweet agad : “RIP jackie chan. You’re the best.”
Nag-trending din sa Twitter ang RIP Jackie Chan dahil may isang website ang naglabas na namatay sa atake sa puso ang Chinese actor habang nagpo-promote ng Kung Fu Panda 2 sa Los Angeles.
Bago si Jackie Chan, nag-trending din noong minsan ang RIP Justin Beiber.
Ito yata ang in ngayon.
Kung sabagay may kasabihan na mas mahaba ang buhay ng isang taong natsismis na sumakabilang buhay na.
Sa local scene, si Marian Rivera ang huling biktima ng ganitong tsismis.
***
Dalawang pelikulang may koneksiyon sa Muslim ang napanood ko kahapon.
Una ang pelikulang Deadline (The Reign of Impunity) na tungkol sa mga pinatay na journalist sa bansa.
Isa na naman itong pelikulang krusada ni Direk Joel Lamangan.
Ibinase ang kuwento sa nangyaring masaker sa Mindanao na ang karamihan sa naging biktima ay mga journalist.
Mabigat panoorin ang Deadline dahil sa tema bagama’t naipakita rito kung anong nangyayari sa mga manunulat na lumalaban sa isang grupong nasa kapangyarihan na malakas ang kapit sa pamahalaan.
Nabanggit sa pelikula ang dating first gentleman na si FG at hindi man ipinakita ang mukha, alam mo namang ang dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang presidente na umano’y protector ng isang gobernador sa Mindanao na nasa likod ng pamamaslang sa mga journalist na malakas ang loob na ibunyag ang mga masasamang nangyayari sa nasasakupan ng gobernador.
Ewan ko kung magri-react pa sa pelikula ang dating pangulo na ni-rate kahapon ng Cinema Evaluation Board (CEB). Graded B ang Deadline.
Si Allen Dizon ang bida at kasama sina Tirso Cruz III, Lovi Poe, Ina Feleo, and TJ Trinidad.
Maayos naman ang pagkakagawa ng pelikula ‘yun nga lang, mahirap itong ibenta sa local market unless international film festivals ang target nila.
Huling pelikula rin ito ng binaril na aktor na si John Apacible.
May issue din ng Muslim ang pelikula nina Robin Padilla and Mariel Rodriguez na TUM : My Pledge Of Love.
Sa India halos kinunan ang kabuuan ng pelikula.
Walang kaduda-dudang ginawa at ginastusan ito ni Robin para sa asawa niyang si Mariel.
Imagine, nagawa nilang makakuha ng maraming estudyanteng extra sa pelikula kung saan kunwari ay si Mariel ang may-ari ng eskuwelahan. Maging ang support nilang mga artista at Indians.
Si Robin ay anak dito ng isang mayamang Indian na nakapangasawa ng Pinay at si Robin nga ang naging anak. Nang mamatay ito, ipinamana sa kanyang lahat ang naiwan sa kondisyong pakakasalan niya si Mariel na itinuring nitong (tatay ni Robin) isang tunay na anak na babae na napadpad sa India nang lumayas sa Pilipinas matapos takbuhan ang kasal na plano ng kanyang pamilya.
Iikot ang kuwento sa pagpapakasal nila.
Basta panoorin n’yo na lang.
May sayawan portion ang pelikula at Ipagpatawad Mo ang theme song nito.
Showing na ito next week pa yata.
Ay naka-B din nga pala ang pelikula.
Si Robin ang director, producer at writer ng Tum. - Salve V. Asis
- Latest