KC pumayag maging singer na 'laging talunan'
Pagdating sa pagpapalago ng pinaka-pangunahing drama anthology sa bansa, ang Maalaala Mo Kaya, wala na sigurong mas higit pa sa pagpupunyagi ng ABS-CBN, kasama ang host nito na si Ms. Charo Santos Concio, para mapanatili ito sa kanyang mataas na posisyon. Wala na halos maiisip pang malaking artista na hindi pa nakalalabas dito. At lahat silang nag-guest dito kundi man nanalo ng awards ay nabigyan ng nominasyon para sa kanilang mahusay na trabaho. At nakatutuwang natalo man ang mga artistang lumabas ng MMK at nabigyan ng nominasyon, ang tumalo rin sa kanila ay iba pang artista na gumanap sa ibang episodes ng MMK.
Natapos nang mag-celebrate ng 18th anniversary ang programang true stories ang itinatampok. Ngayong gabi isa na namang makabagbag damdaming kuwento ng isang sumisikat na singer na bago nanalo sa isang napakalaking pakontes na isinagawa ng ABS-CBN ay palaging talunan sa kanyang mga sinasalihang singing contest, kaya maging ang itinuturing niyang pamilya ay nawalan na ng tiwala sa kanyang kakayahan. Siya si Angeline Quintos, ang kauna-unahang Star Power champion. Sa ayaw man at sa gusto ng kanyang pamilya kailangan na nilang maniwala na tsampyon sa pagkanta ang kapamilya nila.
Kung natutuwa si Angeline na ibahagi ang kanyang buhay sa mga manonood ng TV, lalong higit ang katuwaan niya na ang gaganap ng role niya ay ang anak ng kanyang hinahangaan at pinakamamahal na si Sharon Cuneta, ang nagsilbing mentor nilang lahat sa Star Power at isa sa kakaunting naniwala na maaabot niya ang kanyang pangarap. Si KC Concepcion ang gaganap bilang Angeline with Yul Servo and Irma Adlawan, bilang kanyang mga magulang.
May isa pang plano ang ABS-CBN para sa Maalaala Mo Kaya. Gagawin nila itong pelikula at pagsasamahin nila ang dalawa sa pinakamalalaking aktres ng kumpanya, sina Angel Locsin at Bea Alonzo.
Kim pinilit maka-graduate ng HS
Marami ang hindi nakakaalam na isinasabay ni Kim Chiu sa kanyang matagumpay na career bilang artista ang kanyang pag-aaral. Hindi kayo maniniwala pero sa kabila ng kanyang kaabalahan, naisisingit niya tuwing break sa shooting, taping, o rehearsal para sa ASAP Rocks at pag-aaral ng kanyang script ang paggawa ng kanyang homeworks at pagre-review.
Hindi naman siya nabigo, nung Huwebes nag-graduate siya sa high school. Puwede na siyang magkolehiyo. Mas madali sa college dahil puwedeng paunti-unti ang pagkuha ng subjects, ‘yung kakayanin lamang ng sked niya. Wala pang kurso na naiisip si Kim.
pakikiramay
Hindi ko nakilala ng personal si Armando Goyena. Bata pa ako nang magsilbing PRO ng kumpanya ng mga pelikulang kanyang nilalabasan ang aking ama. Pero nakapanood ako ng marami niyang pelikula, kasama si Tessie Quintana. Pero sa pamamagitan ng isang common friend ay naging close ako sa isa niyang anak, kay Tina Revilla na mas nakilala sa TV kesa sa pelikula.
Namatay kamakailan ang dating matinee idol kaya ipinaaabot ko ang aking pakikiramay sa kanyang mga naulila, sa kanyang ginang at mga anak, lalo na kay Tina, at sa iba pang miyembro ng kanyang pamulya.
Dasal sa mga nakaalala
Pasasalamat naman ang ipinaaabot ko sa lahat ng nakaalala ng aking kaarawan nung March 7. Lumiit na ang bilang nila mula nang ako’y magretiro. Sa mga hindi nakalimot at nagpaabot ng pagbati sa pamamagitan ng text, e-mail, telephone calls, maraming salamat. Pinatunayan n’yo kung gaano kayo kahusay na mga kaibigan. Sana magkaroon naman ako ng pagkakataon na mai-blow out kayo. Pero kung hindi, isasama ko na lamang kayo sa aking dasal. (Maligayang kaarawan po tita mula dito sa aming lahat sa PSN. – SVA)
- Latest