Mutya na-pack-up dahil sa tsunami alert
Pack-up ang taping kahapon ng Mutya dahil sa tsunami alert level 2 na inilabas kahapon ng Philvocs.
Sa dagat ang taping ng Mutya at dahil sa malakas na lindol na nangyari kahapon sa Japan, nagkaroon ng tsunami.
Kabilang ang Pilipinas sa mga bansa na posibleng dalawin ng tsunami kaya pinalikas sa mataas na lugar ang mga kababayan natin na naninirahan sa tabing-dagat.
Ang kaligtasan ng mga artista at production staff ng Mutya ang mahalaga sa ABS-CBN kaya ipinahinto nila ang taping ng aking favorite TV series.
ANC at GMA TV maagap sa lindol sa Japan
Mama Salve, nakakaloka ang malakas na lindol na nangyari kahapon sa Tokyo, Japan. Napanood ko sa TV ang malaking damage na bunga ng lindol.
Shocking ang mga eksena dahil sa dambuhalang tsunami, ang baha na 10-feet ang lalim, sunog at ang mga tao na nasa tuktok ng mga building at ng kanilang mga tahanan para hindi sila matangay ng malakas na agos ng tubig at debris.
Nakakaloka ang mga barko at sasakyan na tinangay ng malaking baha. Bumalik tuloy sa isip ko ang pinsala na dinala noon ng bagyong Ondoy sa Metro Manila.
Hindi puwedeng ipagwalang-bahala ang malakas na lindol sa Japan dahil apektado ang ating bansa. Nakakatensiyon ang mga alert warning na lumayo sa mga shoreline at magpunta sa matataas na lugar ang mga kababayan natin sa Northern at Southern Luzon dahil sa posibleng pagdating ng tsunami.
Nag-alala ako para sa mga kababayan natin na walang kamalay-malay na may parating na tsunami dahil hindi naman lahat eh nakikinig sa radyo o nanonood ng TV.
Nakadagdag-tensiyon ang news sa CNN at BBC na kasali ang Pilipinas sa puwedeng makaranas ng tsunami.
In fairness, mas maganda ang coverage ng ating mga local news channel sa lindol na nangyari sa Japan.
Maagap ang ANC at GMA News TV sa paghahatid ng mga balita at babala. Kumpleto rin ang kanilang mga detalye sa mga kaganapan sa Japan at sa mga baybay- dagat sa Pilipinas.
May mga nag-akala na tsismis at pananakot lamang na may tsunami na parating sa Pilipinas.
Hindi tsismis ang balita dahil mismong ang mga opisyal ng Philvocs ang nagsabing dapat nang lumikas ang mga kababayan natin na nakatira sa mga tabing-dagat. Pinayuhan din nila ang mga mangingisda na huwag nang pumunta sa dagat.
Ang sabi ng Philvocs, hindi mataas ang malaking alon na tatama sa Pilipinas pero hindi tayo dapat maging kampante. Mabuti na ang nag-iingat dahil hindi natin masasabi ang galit ng kalikasan.
Sa mga local celebrity, si Cherie Gil ang nakaranas ng killer tsunami sa Phuket, Thailand noong 2004.
Nagbabakasyon sa Phuket si Cherie at ang kanyang mga kasama nang biglang magkaroon ng tsunami na ikinasawi ng maraming tao.
Sobra-sobra ang pasasalamat ni Cherie dahil nakaligtas siya sa tiyak na kapahamakan. Lalong lumakas ang pananalig ni Cherie sa Diyos at mula noon, itinuring niya na blessing ang araw-araw na pamumuhay.
Apela sa ABS-CBN, dagdagan ang eksena ni Chabita
Hindi lamang ang mga eksena sa Japan ang dahilan ng pagka-upset ko. Na-depress din ako dahil nagkaroon na ng mga paa si Mutya.
Siyempre, tao na si Mutya kaya wala muna silang mga eksena ni Chabita sa kaharian ng dagat.
Paboritung-paborito ko pa naman si Chabita. Kung mababawasan ang kanyang mga eksena, baka hindi na ako ganahan na panoorin ang Mutya.
Ang dagdagan ang mga eksena ni Chabita ang apela ko sa ABS-CBN dahil isa siya sa mga dahilan kaya pinanonood ang Mutya.
- Latest