3 direktor idolo ni Ricky Reyes
MANILA, Philippines - Tatlong batikan at premyadong direktor ng pelikulang Pilipino at telebisyon ang itatampok ngayong Linggo, alas-onse ng umaga hanggang alas-dose ng tanghali sa Life and Style with Gandang Ricky Reyes sa GMA News Channel 11.
“Bihirang makita ng publiko ang mga henyong direktor na tulad nina Maryo J. Delos Reyes, Joel Lamangan, at Brillante Mendoza dahil lagi silang behind the cameras. Kumbaga sa barko, sila ang kapitan. Marami na silang artistang tinulungan para sumikat. Marami rin silang karangalang ibinigay sa bansa. Kaya nga dapat silang papurihan o suobin ng paghanga,” sabi ni Mader Ricky Reyes.
Ang mga hindi malilimutang obra ni Direk Maryo ay Bagets, Magnifico, at A Love Story. Nagkamit ng karangalan si Direk Joel sa Muling Umawit ang Puso, The Flor Contemplacion Story, Bulaklak ng Maynila, Aishite Masu, at Blue Moon.
Nagwagi ng international at local awards si Direk Brillante sa mga obra niyang indie films na Masahista, Kaleido, Kinatay, at Lola.
Isisiwalat nila sa TV host-beauty expert-entrepreneur ang kani-kanilang pinagmulan, mga pagsubok na pinagdaanan, mga karangalang nakamit, at kung paano nila mabibigyan ng inspirasyon ang mga kabataan ngayon.
Karen Davila may krusada sa bawat whistle blower
Kapag sumalang ang isang whistleblower sa senado, tiyak na pagkakaguluhan siya ng publiko. Pero kapalit ng kanyang kasikatan at pagsasabi katotohanan ay ang peligro sa kanyang buhay.
Palipat-lipat ng bahay, walang trabaho, walang kapanatagan, laging may banta sa buhay. Ganito ang buhay ng isang whistleblower. Ano nga ba ang bukas na naghihintay sa mga tulad nila? Meron ba silang masasandalan para sa kasiguruhan ng kanilang kaligtasan?
Ngayong Huwebes (March 10), susubukang sagutin ni Karen Davila ang mga tanong na ito sa Krusada sa ABS-CBN pagkatapos ng Bandila.
Matapos makapanayam ang mga iba’t ibang whistleblower bilang tagapag-ulat sa ABS-CBN News at The Correspondents, naging krusada na ni Karen ang pagsusulong at pagtitibay ng isang batas na magpoprotekta sa karapatan at pangangailangan ng mga whistleblowers.
Ipapakita sa Krusada ang mga whistleblowers na sina Sandra Cam, Jun Lozada, Sgt. Vidal Doble, at Col. George Rabusa. Ayon kay Archbishop Oscar Cruz, may tatlong kabanata sa buhay ng isang whistleblower. Una, magsasabi siya ng totoo. Pangalawa, paniniwalaan siya, at pangatlo, pagtatangkaan ang buhay niya.
Samahan si Karen sa kanyang krusada para sa pagpapasa ng Whistleblower Protection Act.
Auditions para sa Family Feud simula na
Humanda sa pagbabalik ng pinakamasayang game show para sa buong pamilya, ang Family Feud: The Showdown Edition!
Simula bukas (March 11) at Sabado (March 12), umpisa na ng auditions para sa lahat ng pamilyang Pilipinong game na game sumagot ng top answers at magwagi ng naglalakihang papremyo.
Ihanda na ang buong pamilya at bumuo ng grupong mayroong limang miyembro na may edad 18 pataas, magdala ng dalawang valid IDs at original copy ng birth certificate mula sa NSO at mag-audition mula 10 a.m. hanggang 3 p.m. sa GMA Network Drive.
Huwag nang magpahuli dahil ito na ang pagkakataon n’yong maging bahagi ng mas pinalaki at pinakabigating game show ng Kapuso Network, ang Family Feud: The Showdown Edition na mag-uumpisa ngayong Abril sa GMA 7.
Kapuso Stars rumampa sa Panagbenga
Rumampa ng bonggang-bongga ang mga Kapuso stars sa Baguio City nitong nakaraang Panagbenga Festival.
Dumayo ang mga sikat na bida ng Kapuso primetime shows Baguio, ang Summer Capital of the Philippines, para makisaya sa month-long celebration ng flower festival.
Halos hindi magkamayaw ang mga tao sa Kapuso Night Mall show na ginanap sa SM City Baguio. Isa-isang umariba ang mga bituin ng I Heart You Pare, Nita Negrita, at Machete.
Ang fan-favorite Tween Royalties na sina Barbie Forteza, Joshua Dionisio, at Lexi Fernandez – mga bida ng Nita Negrita, ang siyang sumunod at nag-perform ng kani-kanilang mga solo song numbers.
Present din ang mga nagseseksihan at naggagandahang leading ladies ng Machete na sina Bela Padilla at Ryza Cenon.
Hindi magkamayaw ang tilian nang lumabas na ang tinaguriang man of the hour, si Aljur Abrenica. Bawat kababaihan sa audience ay talaga namang kilig na kilig nang lumabas ang Machete actor sa stage habang kinakanta ang kanyang version ng I’ll Be.
- Latest