BabyJames ibinuking ang bagong dyowa ng tatay
Naka-schedule ngayon na manganak sa St. Luke’s Hospital si Lian Paz. Last year, sa St. Luke’s din isinilang ni Lian ang panganay nila ni Paolo Contis.
Kahapon ang 1st birthday ni Xonia Aitana at muntik nang magkasabay ang birthday nila ng kanyang baby sister.
Hindi nagkaroon ng bonggang birthday party si Xonia dahil due date na nga ng kanyang madir. Baka bumawi sina Lian at Paolo kay Xonia sa susunod na taon. Puwede nilang pagsabayin ang second birthday ni Xonia at ang 1st birthday ng kanilang pangalawang anak.
Sa March 14 naman ang 27th birthday ni Paolo. Hindi ko alam ang plano ni Paolo sa kanyang nalalapit na birthday pero may birthday wish ako for him, sana huwag munang masundan ang second baby nila ni Lian.
* * *
Preggy din si Carlene Aguilar sa kanyang mister na si Yo Ocampo. Lalaki ang anak ni Carlene kay Dennis Trillo kaya hindi ako magtataka kung baby girl naman ang wish niya na maging anak nila ni Yo.
Walang problema sa pagbubuntis ni Carlene dahil kasal na sila ni Yo na good provider at may business na kumikita.
Hindi pa malaki ang tiyan ni Carlene kaya puwedeng-puwede pa siya na mag-taping para sa Mutya.
* * *
Negang-nega ang image ni Nonito Donaire, Jr. at ng kanyang misis na si Rachel dahil ang media ang pinagbibintangan nila na nagpalaki sa away ng kanilang pamilya.
Bakit ang media ang sisisihin eh isinulat lang naman ng mga reporters ang mga sinasabi nila?
Na-turn off tuloy sa magdyowa ang mga fans ni Nonito Jr. Ikinumpara uli sila sa mag-asawang Manny at Jinkee Pacquiao na press friendly.
Nasangkot noon si Manny sa sangkatutak na eskandalo pero kahit minsan, hindi niya sinisisi ang media. Ito ang malaking pagkakaiba nila ni Nonito Jr. na inaaway ngayon ang mga sports writers. Nalimutan yata ni Nonito Jr. na nagkaroon siya ng name sa sports world dahil sa tulong ng media.
Ngayon ang araw ng dating sa Pilipinas nina Nonito Jr. at Rachel. Dapat mag-ready ang mag-asawa dahil baka cold treatment ang matikman nila mula sa mga miyembro ng media na nakikisimpatiya sa mga sports writers na kanilang inaaway. Hindi sila dapat mag-wonder kung wala nang mag-interbyu sa kanila.
* * *
Si Baby James pala ang source ng balita na si Isabel Oli ang bagong girlfriend ni James Yap.
“Si Tita Isabel” ang sagot ng bagets nang itanong sa kanya ni Kris Aquino ang pangalan ng new girlfriend ng tatay niya.
May kasabihan na hindi nagsisinungaling ang mga bata kaya marami ang naniniwala sa rebelasyon ni Baby James.
* * *
Ngayong gabi ang pilot telecast ng Minsan Lang Kita Iibigin, ang bagong drama series ng ABS-CBN na pinagbibidahan nina Lorna Tolentino, Amy Austria, Tonton Gutierrez, at ng Kapamilya stars.
Titiyakin ko na maaga akong uuwi ng bahay para mapanood ko ang pagsisimula ng Minsan Lang Kita Iibigin na TV comeback ni Amy. Tama ang sinabi kahapon ni Ronaldo Valdez na mga de kalibreng artista ang mapapanood sa drama series nila kaya sabay-sabay nating panoorin ang Minsan Lang Kita Iibigin.
- Latest