Studio 23 may bagong 'Iba-Balita Ngayon'
MANILA, Philippines - Kasunod ng tagumpay ng primetime newscast ni Anthony Taberna na Iba-Balita, ilulunsad naman ng Studio 23 ngayong Lunes (March 7) ang bagong nitong noontime newscast na Iba-Balita Ngayon at mini-newscast na Bilis Balita.
Dala ang mahigit sa 20 taong karanasan sa pagbabalita, sina Tony Velasquez at Lynda Jumilla ang magbabahagi ng pinakamaiinit na balita sa wikang Filipino sa Iba-Balita Ngayon, Lunes hanggang Biyernes ng 11:30 a.m.
Ayon kay Tony, na kasalukuyan ding anchor ng The Rundown at Future Perfect sa ANC, mapapanood sa Iba-Balita Ngayon ang pinakabagong kaganapan sa bansa sa tulong na rin ng malawak na sakop ng ABS-CBN, na may news bureaus sa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas at maging sa ibang bansa.
Minsan na ring naranasan ni Tony na magbalita mula ibayong dagat katulad ng Asian tsunami disaster noong 2004. Siya at ang kaniyang crew lamang ang mga natatanging Pilipinong reporter na nagbalita mula sa lugar mismo at nakakuha ng video.
Naikot naman ni Lynda ang bawat sangay ng gobyerno sa kaniyang paninilbihan bilang mamamahayag. Sa kanyang galing at diskarte, marami na siyang eksklusibong naibalita kabilang ang pagbabalik sa bansa ni dating Agriculture Secretary Cito Lorenzo na nasangkot sa fertilizer scam.
Sa kanilang pagsasama, layunin nila na patuloy na magdala ng serbisyo sa mga Pilipinong uhaw sa impormasyon araw-araw.
“Iba na kasi ang balita ngayon. Hindi na kailangang hintayin ang gabi. Tanghali pa lang, malalaman na natin ang mga pangyayari at ang mga mangyayari pa for the rest of the day,” ayon kay Jumilla.
Samantala, balik-Studio 23 naman si TJ Manotoc na siyang tagapag-bahagi ng mga updates sa news advisory na Bilis Balita tuwing hapon at gabi.
Dala ng dating anchor ng News Central ang mabilisang balitaan mula Lunes hanggang Biyernes sa pagitan ng 2 p.m. at 4 p.m. May Bilis Balita rin tuwing primetime (6 p.m.-8 p.m.) ng Lunes, Martes, Huwebes, at Sabado at tatlong beses tuwing may PBA games ng Miyerkules, Biyernes, at Linggo.
Bukod sa mga newscasts, tampok din sa Studio 23 ang mga bagong season ng The Amazing Race: Unfinished Business tuwing Martes ng 9:30 p.m., Desperate Housewives tuwing Huwebes ng 10:30 pm na sinusundan naman ng Grey’s Anatomy sa 11:30 p.m.
- Latest