Cesar ka-e-mail pa rin si James Franco
Co-host na si Gelli de Belen ng Tweetbiz at nagsimula siya noong Lunes. Napatunayan ko na true na hands-on parents sina Gelli at Ariel Rivera dahil habang may taping kami noong Lunes, kausap ni Gelli sa cell phone ang kanyang mister.
Hindi pa tapos si Ariel sa appointment nito kaya nag-worry siya na baka hindi niya masundo sa school ang kanilang dalawang anak.
Sa madaling-salita, si Gelli ang kailangang sumundo sa mga bagets na nag-aaral sa Ateneo de Manila University. Malalaki na ang mga bata dahil ipinakita sa akin ni Gelli ang kanilang picture.
Nakakabilib sina Gelli at Ariel dahil hindi nila ipinaubaya sa mga yaya ang pagpapalaki sa kanilang mga anak. Hindi sila katulad ng ibang mga artista na lumaki sa yaya ang mga anak dahil mas binigyan nila ng pagpapahalaga ang kanilang mga career.
Masuwerte ang mga anak nila dahil nagkaroon sila ng mga mabubuti at responsible parents.
***
Naabutan ko pa ang replay ng Oscar Awards sa Velvet Channel noong Lunes. Nag-alala pa naman ako na baka hindi ko mapanood ang replay dahil nanggaling pa ako sa Heritage Park para sa misa ng third death anniversary ng nanay ng magkapatid na Jenny Napoles at Rey Lim.
Siyempre, dinalaw ko muna ang puntod ni Rudy Fernandez sa Heritage Park. Kung nabubuhay si Daboy, 59 years old na siya bukas dahil March 3 ang birthday niya. Hindi ko pa alam ang plano ni Lorna Tolentino at ng kanyang mga anak para sa 59th birthday ni Daboy.
***
Nagkita kami ni Rep. Lani Mercado sa puntod ng nanay nina Jenny at Rey. Alam ko na darating si Lani dahil naunang dumating ang kanyang anak na si Bryan Revilla na chief of staff niya sa opisina sa kongreso.
Marami kaming kausap ni Lani kaya hindi na namin napagkuwentuhan ang renewal of vows nila ni Sen. Bong Revilla, Jr. sa Glendale, California sa May.
Baka magkaroon ng exclusive TV coverage ang 25th wedding anniversary nina Bong at Lani.
***
Na-shock ako nang mapanood ko si Jennifer Hudson sa Oscar Awards dahil malaki ang kanyang ipinayat.
Ayokong maniwala na strict diet ang sikreto ng pagpayat ni Jennifer. Mas gusto kong paniwalaan ang tsismis na bariatic surgery ang dahilan ng kanyang mabilis na pangangayayat.
Isang klase ng weight loss surgery ang bariatic surgery. Isang actor-politician na Pinoy ang sumubok sa bariatic surgery at effective ito sa kanya. Hindi na tumaba ang actor-politician kaya inggit sa katawan niya ang kanyang obese friends.
Natsismis na dumaan din sa bariatic surgery ang isang aktres na may weight problem pero hindi believable dahil nagmumura pa rin ang fats sa kanyang katawan.
***
Ang layu-layo na ng narating ni James Franco, ang co-star ni Cesar Montano sa The Great Raid.
Si James ang co-host ni Anne Hathaway sa Academy Awards at kahit nega ang mga reviews sa kanyang performance, bilib ako sa talino ni James. Naloka ako nang mabasa ko sa isang magazine ang very impressive resumé ni James na hindi lang artista, book author pa.
Naalala ko ang kuwento ni Cesar na in touch pa rin sila ni James sa pamamagitan ng e-mail. Naging close ang dalawa sa shooting ng The Great Raid sa Australia. Hindi pa big star noon si James sa Hollywood.
Kasama rin sa cast ng The Great Raid si Sam Worthington na big star na rin sa Hollywood. Sumikat si Sam nang magbida siya sa Avatar. Magkakilala rin sila ni Cesar dahil pa rin sa pelikula na ginawa nila noong 2005.
- Latest