Sarah at Cristine hinihila pababa ni Rayver
Napaka-suwerte naman ni Rayver Cruz, may dalawang malalaking artistang babae na nagtutulong para mas mapagningning pa ang kanyang estrelya. Hindi na niya kailangang i-promote pa ang kanyang sarili, ginagawa na ito nina Sarah Geronimo at Cristine Reyes sa pamamagitan ng kanilang walang sawa at walang katapusang patutsadahan.
Sa kung anumang kadahilanan niya, nagbigay na ng reaksiyon niya si Sarah. Nagtapat ito at umamin na nagkaroon sila ng relasyon ng aktor, bago pa naging sila ni Cristine.
Parehong talent ng Viva sina Sarah at Cristine. Bakit sila hinahayaang magkaroon ng hindi magandang imahe dahil lumalabas na naghahabol sila at nag-aaway dahil sa isang lalaki? Pinatataas ba ng isyu ang kanilang estado bilang mga artista o, hinihila sila nitong pababa?
Bela pinatay para isalba si Aljur
I’m sure isang malaking sampal para sa baguhang si Bela Padilla ang ginawang pagpatay sa kanyang character sa seryeng Machete. Mabuti na lamang at namayapa na ang sumulat ng istorya na dalawang ulit isinapelikula dahil kung hindi ay magdaramdam ito ng husto sa ginawang pagbabago sa kanyang obra na ang natira na lamang ay ang titulo.
Hindi kataka-taka kung bakit halos nagsisimula pa lamang ang Machete ay iniiwan na ito ng manonood. Bukod kasi sa hindi na kapani-paniwala ang istorya, kitang-kita ang kalituhan ng pag-iisip ng mga nasa likod ng serye. Isesentro ba nila ang istorya sa taong kahoy na binuhay ng kanyang manlililok na sa pelikula ay siyang bida pero sa serye ay naging kontrabida?
Hindi rin nila mabigyan ng bigat ang character ni Aginaya/Rosela na ginagampanan ni Bela. Hindi kasi buo sa kanilang isip kung pangangatawanan nila ang pagiging bida nito. Kay Bela nabubunton ang sisi ng pagiging maputla hindi lamang ng kuwento kundi maging ang pagtanggap dito ng mga manonood. Kaya sa huli, bago pa tuluyan nang mawalan ng manonood ang Machete at malagay sa alanganin si Aljur Abrenica, ginawa na lamang sacrificial lamb ang baguhang aktres. Pinatay na si Aginaya/Rosela.
At kung matutuluyan na siyang mawala sa serye o ibabalik din ang siyang tinitimpla pa sa show. Kung mag-click si Kris, goodbye na siya, o patutulong lang sa kanya para mapataas ang ratings ng serye?
Ewan ko kung paano maililigtas ng normal na tao na si Jessa na ginagampanan ni Kris Bernal ang kanyang sarili sa lupit ni Morgana, na katulad ni Machete ay mula rin sa nagdaang panahon, pero pumasok sa katawan ni Marla, ang character ni Ryza Cenon.
Mamomroblema na naman ang mga writers dahil mahirap paglabanin ang isang ordinaryong babae sa isang imortal.
Eyelashes ni Regine, OA na OA
Nakakapaos pala kay Regine Velasquez ang pagganap ng kanyang role sa I Heart You Pare. Inaamin niyang pinaka-nakakapagod niyang role ito, as tiring as doing an entire concert pero enjoy siya dahil mukhang appreciated ng mga manonood ang kanyang effort na mas maging bakla pa kesa sa mga totoong bakla na kasama niya sa serye.
Sa eyelashes pa lamang ay OA na OA na siya. Pinakamahaba ang eyelashes niya sa lahat at pinakamakapal ang kanyang makeup. Minsan siguro nadadala na niya ng husto ang characterization niya kung kaya hindi na kailangang mag-effort ni Dingdong Dantes kapag kailangan nitong batuk-batukan siya at ipagtulakan.
Complete opposite si Tonette ni Vodka na isang ideal combination dahil mas napapataas ng character ni Regine ang level of acceptance hindi lamang kay Vodka kundi maging sa gumaganap nito na si Paolo Ballesteros. Napapansin ko lang na kahit sa Eat Bulaga na kung saan ay kasama siyang naglilibot nina Jose Manalo at Wally Bayola sa Kamaynilaan para sa kanilang Juan For All, All For Juan segment, nadadala na ni Paolo ang character ni Vodka.
Minsan Lang...madrama
Pagdating sa paggawa ng serye, walang makakatalo sa ABS-CBN. Forte nito ang mga ganitong palabas at hindi naman maitatatwa na napapangatawanan nila ang mga serye nila mula umpisa hanggang katapusan.
Kung madrama ’yung mga nauna nilang serye, mas madrama itong Minsan Lang Kita Iibigin na hindi ako magkakamaling sabihin na lalabas na pinakamagandang serye ng network. Kung nanonood kayo ng mga serye ng Dos, aware kayo na ginagawa nila ito na parang isang pelikula. Mas masahol pa nga ito sa mga pelikula dahil kung sa pelikula ay dalawa o hanggang apat lamang ang mga major stars, ang teleserye ng Dos, mahaba ang listahan ng cast.
- Latest