Mga neophyte nakikipagpukpukan sa TV series
MANILA, Philippines - Umaangat ang rating ng original na GMA 7 drama series na Alakdana kahit pa tampok dito ang mga baguhang artista na patunay na laging may lugar sa showbiz ang mga neophyte na takdang humalili sa trono ng mga beterano.
Kabilang sa kanila ang commercial model na si Louise delos Reyes na muling nasubukan ang kakayahan sa pag-arte sa kanyang papel bilang Adana sa Alakdana. Isa siyang batang babaeng isinilang na merong buntot ng katulad ng sa alakdan na lumalaban kapag nanganganib.
Naunang lumabas ang 17 anyos na si Louise bilang Isabel sa Pilyang Kerubin noong nakaraang taon. Minsan din siyang lumabas sa Indie film na Agaton and Mindy na idinirehe ni Peque Gallaga.
Hindi niya sinayang ang oportunidad na dumarating sa kanya kaya naman napansin siya ng Philippine Movie Press Club sa category ng Best New Movie Actress may ilang taon na ang nakakaraan.
Regular performer din siya sa Party Pilipinas para sa Sayaw Kabataan crew nito. Nabigyan siya ng mas malaking exposure sa kanyang papel bilang Luisa sa Tween Hearts tuwing Linggo. Sa Alakdana, ipinareha siya sa tatlong lalaki na kinabibilangan ng baguhan ding si Alden Richards na gumanap sa karakter na Joma.
Isa pang neophyte ng GMA Artist Center si Joanna Marie Tan na gumanap sa papel ng isang masamang babae sa Alakdana.
- Latest