Angry Drive ni Nicolas sobrang maaksiyon
MANILA, Philippines - Galit at paghihiganti ang magtutulak kay Nicolas Cage para tumakas sa impiyerno at habulin ang isang kulto sa Drive Angry. Ang action-fantasy na ito na kinunan sa 3D ay mula sa direksyon at panulat ni Patrick Lussier kasama si Todd Farmer na kilala sa kanilang 2009 horror blockbuster flick My Bloody Valentine.
Ang Academy Award winner na si Nicolas Cage ay gumaganap bilang John Milton. Ang kanyang anak ay pinaslang ng isang kulto at ang kanyang sanggol na apo ay bihag din ng mga ito. Sa loob ng tatlong araw, kailangang mabawi ni Milton ang apo bago ito sunod na mapatay bilang sakripisyo. Isang waitress na nagngangalang Piper, na ginagampanan ni Amber Heard, ang magiging kasama ni Milton sa kanyang misyon. Dobleng bilis ang kailangang gawin ng dalawa dahil bukod sa mga pulis, isang kanang-kamay ng demonyo na kung tawagin ay The Accountant ang puspusan ding humahabol sa kanila.
Sa kanyang papel bilang Piper, isang waitress na naging kasama ni Milton, nakuha ni Amber Heard (Zombieland, Never Back Down) ang respeto ng kanyang mga ka-trabaho dahil sa galing ng kanyang pagganap.
Ayon kay Cage : “Amber manages to be sympathetic and really, really tough at the same time, which is exactly what that character needs. Piper hasn’t really been treated well in life and Amber’s able to convey that.”
Inilarawan ni Amber Heard ang kanyang papel bilang “puso” ng pelikula. “She’s the person who really changes, and she changes Milton, ” aniya.
Sa tunay na buhay, isang muscle car o high performance automobile din ang minamaneho ni Heard kaya’t sanay siya sa manehong paspasan. Magaling din siya sa barilan, ayon kay Direk Lussier, at dahil sa mga kakayahang ito, sigurado silang si Heard ang bagay bilang Piper.
Ang karakter ni William Fichtner (Black Hawk Down, The Dark Knight) na The Accountant ang siyang sentro ng supernatural angle ng pelikula. “For example” ani Fichtner, the Accountant knows how to move in a way that’s not human. He can step out of a moving car and just keep walking gracefully.” Bilang kanang-kamay ng demonyo, trabaho niya ang ibalik si Milton sa impyerno at wala siyang pakialam sa misyon nito. Ang kanyang papel ay mahalaga para sa kabuuan ng karakter ni Milton.
Tiyak na walang prenong aksiyon at excitement ang dulot ng Drive Angry na nasa 3D, kaya’t panoorin ito sa inyong paboritong sinehan simula February 25. Handog ng Viva International Pictures.
- Latest