Luis aminadong makapal ang mukha!
More than a cooking series, ang bagong palabas ng GMA 7 ay pinagsamang pagluluto at pagmamahal. Tungkol ito sa isang palayok na gumagawa ng mga katakam-takam na pagkain sa pamamagitan ng batang nagmamay-ari nito na si Cookie (Angeli Nicole Sanoy), unang umagaw ng pansin ng mga manonood sa TV nang lumabas ito bilang Jikjik sa Grazilda.
Kung sa Grazilda ay naging bahagi ang bagong child star ng love story ng mga characters na ginampanan nina Glaiza de Castro at Geoff Eigenmann, dito sa Magic Palayok isa na namang istorya ng pag-iibigan ang babahaginan niya ng kanyang kagalingan sa pagluluto, sina Carla Abellana at Geoff na muling binabalikan ang ka-love team niyang na-miss niya ng isang serye. Balikan din nila ito kay Joel Lamangan.
Binabalikan din sa serye ni Mikee Cojuangco ang kanyang pag-aartista bilang ina ni Cookie at may-ari ng magic palayok.
Sinabi ni Direk Joel Lamangan na hindi niya akalain na makakaya niyang gumawa ng isang pambatang serye.
Palabas na ang Magic Palayok simula sa Lunes, Feb. 28.
* * *
Sa cast ng Magic Palayok na iprinisinta sa media ng GMA nung Martes ng gabi, namumukod tangi ang isang babae na bago ang mukha sa halos lahat ng dumalong press.
Lou Sison ang pangalan ng bagong artista na isang print and ramp model bago sumabak sa pag-aartista. Hindi naman niya iniiwan ang mga trabahong ito. Isinasabay niya ito sa kanyang pag-aartista.
Minamaneho ang karera niya ng isang kapatid sa panulat, si Joe Barrameda, na siya ring manager ng batang artistang si Jillian Ward. Hindi niya first series ang Magic Palayok, una na siyang napanood sa Beauty Queen. Isa rin siyang segment host sa Love ni Mister Love ni Misis.
Sa height pa lamang ay aakalain mong agad susunggaban ni Lou (ang buong pangalan niya ay Bebielou, unique pero ayaw niyang gamiting screen name dahil hindi siya nagagandahan) ang anumang offer na maging cover ng anumang magazine, lalo na ng men’s magazine pero hindi puwede. Ipinagbabawal ng kontrata niya sa Nestlé ang mag-pose siya ng sexy sa men’s magazine.
Graduate ng Mass Media sa La Salle si Lou kaya hindi nalalayo sa tinapos niya ang kanyang trabaho ngayon.
* * *
Eight years old naman si Frencheska Salcedo. Isa rin siyang commercial model. Pero mas marami ang nakatatanda sa kanya bilang kontrabida sa Trudis Liit.
“Pero gusto ko ring mag-play ng role ng mabait, ’yung hindi bad sa bida,” sabi niya sa amin ni Joe Cesar, isa pa ring entertainment writer who chose to talk to her over the other artists dahil hindi na kami kailangan pang makipagsiksikan para makausap ’yung mas sikat na personalidad.
Pangarap ni Cheska simula nung maliit pa siyang bata ang maging artista. Hindi naman siya nabigo, sa gulang na three years old ay lumalabas na siya sa mga komersiyal.
Grade 3 na siya sa isang home study program ng Angelicum. Proud siya na kaeskuwela niya si Zaijian Jaranilla. Nagkikita sila at alam nitong nag-aartista rin siya.
Hindi na challenge sa kanya na maging kontrabida ni Angeli Nicole Sanoy sa Magic Palayok. Kahit na ang pangyayaring mag-best friends sila ay hindi na makakapagpahirap sa kanya para maging bad dito.
* * *
Nag-aalala rin si Luis Manzano na baka hindi magustuhan ni Gov. Vilma Santos ang ginawa niyang butt exposure sa Who’s That Girl? movie.
“Feeling ko idi-disown niya ako kapag napanood niya ito, pero sana hindi,” sabi ng aktor.
Inamin ni Luis na comfortable siya sa kanyang katawan. Walang problema kung magpakita man siya ng skin. At bentahe niya ito sa ibang mga aktor na kaliga niya, hindi nila ito magagawa. Pero siya mina-mani lang ito. Kasi makapal ang mukha niya. Will he consent to an all-out baring?
“Baka, sabi ko nga makapal ang mukha ko. Baka ’yun na ang maging career path ko,” sabi niyang may pagbibiro.
* * *
Babae ang gustong maging apo ni Dina Bonnevie kina Oyo Sotto at Kristine Hermosa.
Kasalukuyang nasa proseso pa nang pagbubuo ng kanilang magiging panganay ang bagong kasal.
False alarm ’yung sinasabing pagiging two months pregnant niya, nag-undergo siya ng pregnancy test at lumabas na negative. Pero bata pa naman si Kristine kaya she has all the time to prepare for her baby.
- Latest