Juris pinupuntirya ang Korea
Kapag nakataon, maraming local singers natin ang magkakaroon ng malaking pangalan sa bansang Korea. Dalawa sa Sessionista ay tina-target ang bansang ito para pagsimulan ng kanilang international career. Kung si Sandara Park na sikat na sikat ngayon sa kanyang sariling bansa bilang miyembro ng all-pop girl group na 2EN1 ay dito siya sa atin nagsimula ng career sa showbiz at ipinagpapatuloy lamang sa Korea, sina Princess Velasco at Juris ay planong makilala sa ibang bansa na bahagi rin ng Asya. Katunayan, nakapagsimula na si Juris, isang album ang ginawa niya para sa isang Korean producer at dun din ire-release sa Korea.
Pinamagatang If You and Me, dito ito ini-record sa ’Pinas at dito rin unang ini-release digitally ng Star Records nung nakaraang taon. Naglalaman ito ng anim na kanta at ang carrier single nito ay ang If na unang pinasikat ng girl group na Girls Generation. Si Juris at ang Star Records ang pumili ng mga kantang inilagay sa album. Karamihan nito ay Ingles. Ang iba ay pinalitan ng mga kantang sikat sa Korea tulad ng Missing You.
Isa ring awitin ni Juris mula sa kanyang sariling album ang kinuha nila at isinama sa If You and Me. Ito ang Opposites Attract na kinompos ni Jungee Marcelo. Kabilang din sa anim na kantang nakapaloob sa album ay ang cover version ni Juris ng Don’t Forget na unang pinasikat ni Baek Jiyoung.
Inaasahan ni Juris na magugustuhan ng mga Koreano ang kanyang mga awitin at maging mabenta ang album niya sa Korea. Hindi naman ito mangangailangan ng pagtigil niya sa nasabing bansa para sa promosyon ng album. Bagama’t kinakailangan niyang pumunta ng Korea para sa promosyon ng album, Pilipinas pa rin ang magsisilbing homebase niya. Hindi rin niya kinakailangang humiwalay sa Sessionista at mag-absent sa lingguhang stint nila sa ASAP XV. Ngayon pa lamang ay may plano na ang Koreano na nag-produce ng album ni Juris na pagawin ito ng second album.
Sikat na sikat sa Korea si Charice na lumabas sa sikat na programa sa TV dun na Star King, pati na rin sina Christian Bautista, JayR, at Kyla.
* * *
Totoo kayang may nauna nang agreement ang Kapuso Network at si Miss Universe 4th runner-up Venus Raj na sa GMA ito pipirma ng kontrata? Hindi na lamang nila ito hinabol nang pumirma ito ng kontrata sa ABS-CBN na kung saan ilang taon nang napapanood ang Binibining Pilipinas beauty pageant at sa Setyembre naman ay unang mapapanood ang sikat na paligsahan ng Miss Universe.
Baka hindi na itinuturing na malaking kawalan ng Siete si Venus kaya pinabayaan na nila ito sa kalabang network. Pero ayon sa ilang humahawak ng tungkulin sa nasabing istasyon, kaya nila itong habulin kung gugustuhin nila.
* * *
Marami na naman ang namimintas dahil inabot ng maraming take ang mga kissing scenes nina Aljur Abrenica at Bela Padilla sa Machete. Sa halip na intindihin na first on-screen kiss ito ni Bela kaya hindi pa siya komportable ay nilalait na siya dahil halikan lang ay hindi pa niya makuha-kuha.
Pati nga ang lovescenes nila na mas mainit ay ipinagpaliban na munang kunan. Sa ibang araw na lamang ito kinunan para lumuwag ang pressure kay Bela na balitang binabalikan ng kanyang dyowang si Jason Abalos. Kung tatanggapin niyang muli ang ex-boyfriend ay baka maintriga na naman siya dahil balitang pinopormahan ni Jason si Sarah Geronimo.
Naging laman din sina Jason at Sarah ng mga balita until makita si Jason sa bahay ng baguhang aktres nung Kapaskuhan. Mukhang nalilinya ang Pop Princess sa mga lalaking mahilig mamangka sa dalawang ilog.
- Latest