Aiza takot mag-solo sa Araneta
Ang tapang-tapang ni Aiza Seguerra na kumontra sa hiling ng ilang mga kasamahan niyang singer na ilimit ang pagpapapunta ng mga foreign acts dito sa atin na sinasabing mas binibigyan ng pabor dahil mas mababa ang tax na sinisingil sa mga nagdadala sa kanilang producers kesa sa tax na binabayaran ng mga nagpoprodyus ng mga local concerts.
Si Aiza at maging ang ilang Sessionista ay pabor sa pagpunta ng mga sikat na performers dito dahil marami silang natututunan sa kanila.
“Natsa-challenge nga ang mga local artists na mas pagbutihin ang kanilang palabas, kahit hindi man magkakatapat ang araw ng mga concerts nila sa mga concerts ng mga international artists ay magkakalapit naman ang petsa. Hindi maiwasang pagkumparahin sila. At dahil kadalasa’y mas pinapaboran ng Pinoy ang mga dayuhan, nadedehado ang mga local artists. Kaya kailangang doble ang gawin nilang effort para makaagapay sila, kundi man sa talent ay sa sale of tickets.”
Si Aiza ay madalas alukin na gumawa ng major concert, kundi sa Araneta Coliseum ay sa iba pang venue, pero tumatanggi siya. Ayaw niya dahil natatakot siya na baka hindi niya magawang punuin ang lugar na tulad ng Araneta Coliseum. Mas gugustuhin niyang mag-show sa mas maliliit na venue na madali niyang mapuno.
Pero sa Pebrero 5, susubukin ang lakas hindi lamang niya kundi ng grupo niyang Sessionista. May palabas sila sa Araneta Coliseum na inaasahan niyang susuportahan ng marami dahil pito silang magtutulung-tulong para ito mapaganda—Richard Poon, Nina, Juris, Duncan Ramos, Princess Velasco, Sitti, at siya.
Sinabi niyang hindi siya nag-aalala kapag magkakasama sila. Sold out ’yung una nila sa Big Dome, walang dahilan para hindi rin magtagumpay itong ikalawa nila. Wala silang uuliting kanta from their first major concert, magkakaibang kanta ang babanatan nila isa-isa at magkakasama, may ’40s, ’50s, ’60s hanggang sa present. Promise iyan ni Aiza.
- Latest