Konsehala konserbatibo, Willie hindi puwede kay Shalani
Bagong taon na ay napakalupit n’yo pa rin. Kailan ba dapat magbago?
Hindi ko pa rin malimutan ang issue sa Kapusong si Jennylyn Mercado dahil sa pagkakatalo nito bilang best actress kay AiAi delas Alas sa katatapos na 36th Metro Manila Film Festival Awards Night.
Bakit daw umaapela pa ang aktres gayong malinaw na hindi ito marunong umarte, hindi pa rin bagay sa kanya ang ginampanan niyang role?
But in fairness, kung may pagkukulang sa Rosario si Jennylyn, hindi niya kasalanan, baka hindi siya napagtuunan ng pansin ng direktor at natuon sa ibang bagay ang pansin nito. Pero huwag naman nating sabihing hindi magaling si Jennylyn. Kaya nga marami ang umaalma dahil hindi man lang siya na-nominate. ’Yun lang!
* * *
Napurnada naman ang kasalan nina Willie Revillame at Konsehala Shalani Soledad.
Unang tanong, nagkarelasyon ba sila? Maaaring dito sila papunta pero umabot ba sila sa puntong may posibilidad na kasalan? Baka silent wish lang naman ito ng mga malalapit sa kanila.
At saka napakaaga naman yata para magkaroon ng kasalan. Ganun ba kadali mapasagot ang konsehalang sinasabing napaka-konserbatibo? Kailan lang ba sila nagkakilala ni Willie? Kung manliligaw ito sa magandang Bulakenya, baka matagalang sagutin siya dahil balitang may mga pulitiko na may matataas na posisyon din sa gobyerno ang nanliligaw sa konsehala. So, giyera patani ’yan. Bentahe lang ng TV host-comedian, araw-araw silang nagkikita sa show. So, paano magkakaroon ng kasalan sa ganitong sitwasyon?
* * *
Si Direk Lino Cayetano naman ang inili-link kay Liz Uy, stylist ni P-Noy, at sinabi ring posibleng mapapangasawa niya. Aba, napaka-bongga naman ng babaeng ito. Matapos makipag-break kay John Lloyd Cruz, ay na-link kay P-Noy, ngayon ay sa guwapong direktor na kahahalal lamang bilang barangay captain at ex ng inaanak kong si KC Concepcion? Bongga talaga siya!
Pero kung sila nga, I wish them the best. Bagay sila, actually. In the past naging mailap ang pag-ibig sa kanila. Baka sila nga ang nakatakda para sa isa’t isa.
O, sina Vic Sotto naman at Sen. Bong Revilla, Jr. ang iniintriga ngayon. Tinatanong kasi kung sino sa kanila nagdala ng maraming manonood sa pelikula nilang magkasma. O eh ’di silang dalawa!
Kayo naman, mang-iintriga pa. Separately, pinanonood sila, ngayong magkasama sila, itatanong pa ba kung sino sa kanila ang pinanood?
- Latest