Akting ni Jennylyn 'di naalagaan
Hanggang ngayon ay mainit pa ring pinagtatalunan ang hindi pagkaka-nominate ni Jennylyn Mercado as best actress at ni Albert Martinez as best director sa katatapos na Gabi ng Parangal ng Metro Manila Film Festival. Maraming nagtatanggol sa pelikula pero marami rin namang pumupuna.
Pero dapat munang panoorin ang Rosario ng mga nagbibigay ng opinion.
Depende rin siguro sa nanood at nagi-interpret sa napanood nila.
Pero sa napanood ko, nakalimutan ni Direk Albert Martinez na may ‘istorya’ ang Rosario. Lumabas na very flat. Walang point of conflict at parang tuluy-tuloy lang ang narration. Actually, hindi lang ako ang nakapuna nun kundi ang ilan sa mga unang nakapanood ng pelikula.
Masyado silang nag-focus sa production design. Pinagtuunan nila ng pansin ang technical aspect nito at ‘di na naalalang meron silang kuwento na kailangan ding ayusin at mga artistang dapat alagaan.
Lumabas na props na lang ang mga artista dahil literal na nilamon ng production design ang kuwento at character nito. Kaya totoo na mas magandang lumabas ang technical side nito kesa sa direction at acting ng mga artistang kasama. Na-justify naman nila ang setting na 1920’s although meron pa ring kulang dahil kitang-kita na may ginamit silang kotse na parang hindi na umaandar at parang ‘di tulak na lang.
Sa last scene din ni Jennylyn, obvious na napabayaan na ni Direk Albert ang actress. Mabigat sana ang eksena. Supposedly ay ma-emosyon dahil nakita niya ang anak niya na ipinamigay pero mababaw ang iyak ng actress. Hindi napiga ni Direk. Kung siguro na-motivate si Jennylyn ng husto, baka naging mas malalim ang acting niya.
Sayang ang pelikula.
Eh kung si Direk Maryo J. delos Reyes kaya ang nag-handle naiba kaya ang pelikula?
* * *
May punto ang analysis ni Tita ED. Takang-taka siya hanggang ngayong may kanya-kanyang ibang asawa na ang dating mag-asawang sina Ogie Alcasid at Michelle Van Eimereen kung bakit naghiwalay ang dalawa. Eh kung i-describe naman daw nila ang isa’t isa ay parang perfect ang mga ugali nila at nagpupurihan at nagsasabihan na kapwa mabait ang isa’t isa. Kaya nga gulat si Tita ED kung anong rason bakit naghiwalay sina Ogie at Michelle.
“Ano ba talaga?” pilit na tanong niya.
Naku tita ED hayaan mo na.
Sinabi nilang kinailangan nila ng kanya-kanyang kaligayahan.
By the way, sayang nasapawan ng issue ng Gabi ng Parangal ng Metro Manila Film Festival ang coverage ng kasalan nina Regine at Ogie na napanood sa GMA 7. Magkasunod kasi ang nasabing palabas eh siyempre mas may kontrobersiya ang MMFF kesa sa kasalan ng dalawa na ginanap sa Punta Fuego.
Maganda si Regine sa coverage pero madalas na double chin siya sa mga kuha ng camera. Samantalang nang huli ko naman siyang makita, sa launching ng kanyang album, ang payat ni Regine kaya nakakatakang parang ang laki ng kaha niya sa coverage ng kasal nila ni Ogie. Kahit ang likod niya, namumutok sa red gown niyang gawa ni Monique Lhuillier. Siguro nasa anggulo ng camera.
Balita ring malaki ang natipid ng mag-asawa sa kasalan dahil maraming nag-sponsor.
Kasalukuyang nag-enjoy ang mag-asawa sa kanilang bakasyon. Pero balitang nakaalis na ang pamilya ni Michelle pabalik ng Australia.
- Latest