Nobelista sa komiks at paborito ni FPJ Pablo S. Gomez pumanaw na
MANILA, Philippines - Isang araw pagkaraan ng Pasko, pumanaw na sa edad na 81 anyos ang beteranong nobelista sa komiks na si Pablo S. Gomez.
Ayon sa ulat ng ABS-CBN, bandang 7:30 p.m. ng Linggo nang malagutan ng hininga si Gomez sa Sta. Teresita Hospital sa Quezon City matapos atakihin sa puso.
Nakaburol ang kanyang mga labi sa St. Peter Mortuary Chapel sa Quezon City habang isinusulat ito bagama’t nakatakda ang cremation sa nobelista sa Disyembre 30.
Isang miyembro ng pamilya ang nagsabi na lubhang naapektuhan si Gomez ng naunang pagkamatay ng kapatid niyang si Leonora noong bisperas ng Pasko.
Nakilala si Gomez sa mga sinusulat niyang dibuho at nobela sa mga komiks noong 1950s at kabilang sa mga trabaho niyang isinapelikula ang Guy and Pip, Rosa Mistika, Magdusa Ka, Machete, Hilda, Kurdapya, Torkwatta, at Susanang Daldal.
Nakilala rin siya bilang screenwriter ng mga pelikula ng yumaong Fernando Poe, Jr. na King of Philippine Cinema naman tulad ng Eseng ng Tondo, Probinsyano, Kahit Konting Pagtingin, Sta. Quiteria, Kalibre 45, at Mahal San Ka Nanggaling Kagabi?
Si Gomez din ang nasa likod ng mga ABS-CBN television series na Wansapanataym at Kampanerang Kuba.
- Latest