Bong at Vic sinigurado na ang sequel!
Ang ganda-ganda ng ngiti ni Sen. Bong Revilla, Jr. nang mainterbyu siya ng TV crew tungkol sa bonggang resulta sa takilya ng Si Agimat at Si Enteng Kabisote.
Maligayang-maligaya si Bong dahil hindi niya inaasahan na gagawa ng record sa takilya ang pelikula nila ni Vic Sotto.
Hindi malayo na magkaroon ng sequel ang Si Agimat at si Enteng Kabisote dahil blockbuster ito.
Sa interbyu kahapon sa Showbiz Central, tiniyak ni Bossing na magkakaroon ng sequel ang pelikula nila ni Bong pero hindi pa niya masabi kung kailan.
Inaasahan na tataas pa ang box-office gross ng pelikula dahil matagal pa ang itatakbo ng 36th Metro Manila Film Festival (MMFF).
At dahil No. 1 sa takilya ang Bong-Vic movie, malakas ang pakiramdam ko na magkakaroon ng victory party ang Si Agimat at Si Enteng Kabisote.
Lima ang producer ng Si Agimat at si Enteng Kabisote kaya lima ang maghahati sa datung na kinita ng pelikula.
Ang GMA Films, M-Zet Films, OctoArts Films, APT Productions, at ang Imus Productions ang mga produ ng filmfest entry na gumagawa ngayon ng history sa box office.
AiAi nakapag-blow out na
Nag-blow out kagabi si AiAi delas Alas sa isang restaurant sa Quezon City dahil sa sobrang kaligayahan.
Humahataw din sa takilya ang Ang Tanging Ina Mo Last Na ’To at bilang pasasalamat, nag-treat si AiAi sa kanyang friends, pagkatapos ng Awards Night ng MMFF sa Meralco Theater.
Shalani natupad na ang wish na makatulong
Natupad ang wish ni Shalani Soledad na makapag-share ng blessings dahil binaybay niya ang Metro Manila, ilang araw bago mag-Pasko.
Kasama ang Willing Willie girls, namigay si Shalani ng mga pagkain, damit, tsinelas, pera, unan, at kumot sa ating mga kababayan na mahihirap.
Manhid ang pakiramdam ng mga televiewers na hindi naawa sa ating mga kapwa Pilipino na nakatira sa kariton, natutulog sa bangketa, at talagang hindi nagdiriwang ng Pasko dahil sa sobrang kahirapan.
Ang makatulong sa mga nangangailangan ang numero unong dahilan kaya pumayag si Shalani na maging co-host at unti-unti nang natutupad ’yon.
Beach Wedding ni Maggie Wilson pumalpak
Nakakaloka pala ang nangyari sa kasal nina Maggie Wilson at Victor Consunji dahil bukod sa malakas na ulan, hindi pumayag ang pari na idaos ang beach wedding hangga’t hindi sila ikinakasal sa simbahan.
Para matuloy ang kasal na matagal nilang pinaghandaan, ikinasal muna sina Maggie at Victor sa simbahan, bago sila dumiretso sa kanilang beach wedding.
Walang nagsabi kina Maggie at Victor na hindi pumapayag ang mga Catholic priests na magkasal sa beach kung hindi muna sila ikakasal sa loob ng simbahan.
Natuloy din ang kasal at para kay Maggie, blessings mula sa Itaas ang kahulugan ng malakas na buhos ng ulan habang sinasabi nila ni Victor ang kanilang wedding vows.
- Latest