TV5 nagkasunud-sunod ang Award
MANILA, Philippines - Humakot ng 16 na parangal sa katatapos lang na Anak TV Awards ng Southeast Asian Foundation for Children and Television.
Pinarangalan si Ryan Agoncillo bilang Favorite Anak TV Makabata Star ng mga batang kalahok sa surbey, samantalang isa sa Top TV Program Household Favorite ang Talentadong Pinoy. Binigyan naman ng Anak TV seal ang Mustard TV (30-minute children’s show na nagtuturo sa mga bata ng tungkol kay Hesus at sa Bibliya), The World Exposed kasama si Bishop Chito Tagle at 12 iba pang kids’ shows na umere sa TV5.
Nag-uwi rin ng apat na parangal ang TV5 sa 19th Golden Dove Awards ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP). Naiuwi ng Talentadong Pinoy (Best TV Games/Variety Program), Lokomoko U (Best TV Comedy Program), USI: Under Special Investigation (Best TV Documentary Program) at ni Paolo Bediones (Best TV Documentary Program Host) ang mga pagkilala para sa Kapatid Network.
Matapos kilalaning pinakamahusay na host ng isang documentary program, tinuturing ang pagkapanalo ni Paolo Bediones bilang kauna-unahan niyang parangal sa larangan ng pamamahayag. “Personally this is a very, very important milestone for me. Ito ang una kong taon bilang mamamahayag. Kaya ang pagkilala pong ito ay mahalaga po sa akin. Maraming, maraming salamat, KBP,” pahayag ni Paolo habang tinatanggap ang tropeo sa award ceremony na ginanap sa Tagaytay City kamakailan.
Samantala, nakamit naman ng TV5 ang kauna-unahan nitong Philippine Quill Award of Merit for Excellence in Communication Management in Economic, Social and Environmental Division sa pamamagitan ng Oplan Sigla sa Skwela, ang back-to-school public service project ng News5.
Kinilala naman sa 24th Star Awards for Television si Vic Sotto bilang Best Variety Game Show Host para sa Who Wants To Be a Millionaire, at ang dating programang Lipgloss bilang Best Youth-Oriented Program.
- Latest